Isang Facebook page, naghatid ng nostalgia sa mga mambabasa noon ng Funny Komiks

  • Ang komiks ay bahagi na ng ating kultura at kasaysayan
  • Ang pagbabasa ng komiks ay paboritong libangan noon ng mga kabataang Pilipino, lalo na ang Pilipino Funny Komiks
  • Kaya nakatutuwa na may isang Facebook page na maaaring magpaalala sa mga batang ‘80s at ‘90s ng kanilang paboritong libangan noon

Maraming modernong libangan na ang pinagkakaabalahan ngayon ng kabataang Pilipino. Pero kung may isang babalikan mga batang ‘80s at ‘90s, tiyak na isang popular na babasahin ang kanilang babalik-balikan—ang Pilipino Funny Komiks na mas kilala bilang Funny Komiks.

Imahe mula sa Batang Funny Komiks Facebook page

Komiks ang isa sa mga popular na babasahin ng mga Pilipino mula noong 1920 hanggang sa pagpasok ng bagong milenyo.

Kaya naman nakatutuwa na may isang aktibong Facebook page ngayon ang nagpapaalala sa mga ‘bagets’ noon tungkol sa mga kinagigiliwan nilang tauhan sa Funny Komiks. Ito ay ang Batang Funny Komiks.

Sino ba namang batang ‘80s at ‘90s ang makakalimot sa malikot na batang si Niknok na kasalukuyang profile picture ng nasabing Facebook page.

Bukod kay Niknok, inabangan din ng mga bata noon ang mga seryeng “Tomas en Kulas,” “Tinay Pinay,” “Superkat,” “Combatron,” “Planet Ofdi Eyps,” at marami pang iba.

Ang Funny Komiks ay pambatang komiks na unang nailathala noong Hunyo 1978 ng Islas Filipinas Publishing Company. Malaki ang naging impluwensiya nito sa mga bata at ilan pa nga sa kanila ay dito unang natutong magbasa at maging matatas sa wikang Filipino.

“I was an avid reader of Funny Komiks since I was 5 years old. This comics had helped me to understand the Filipino language more. I had fun reading Niknok’s adventure and Planet of d Eyps,” ayon sa review ng isang netizen sa nasabing page.

Dahil sa kagustuhang maunawaan ang mga kuwento sa komiks na ito, natuto umanong magbasa ang anak ng isang ginang bago pa man ito tumuntong sa paaralan. Napabilis ang pag-aaral ng abakada!

Imahe mula sa Batang Funny Komiks Facebook page

Ang Batang Funny Komiks ay bago lamang page sa Facebook kaya nasa 15,000 pa lamang ang followers nito. Maaaring bisitahin, i-like, at i-follow ang kanilang Facebook page at tiyak na magbabalik sa inyong alaala ang masasayang panahon habang hawak at binabasa ninyo ang isang personal na kopya ng Funny Komiks.

Loading…