Isang kongresista nais limitahan sa 15,000 katao ang populasyon ng mga barangay; DILG suportado ang panukala

  • Nais ni Congressman Ace Barbers na paliitin sa 15,000 residente ang populasyon ng bawat barangay sa urban areas
  • Ito raw ay para sa mas maayos na pamamahala at sa mas mabilis na pagbibigay ng serbisyo sa mga nasasakupan
  • Suportado naman ng DILG ang panukalang ito ni Barbers at panahon na raw para pag-aralan ito

Inihain ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang isang panukalang batas na maglilimita sa populasyon ng mga barangay sa urban areas sa 15,000 katao upang mas mapabilis ang pagpapadala ng tulong sa mga residente sa panahon ng sakuna.

Sa inihaing House Bill 6686, nilalayon nitong amyendahan ang Section 386 ng umiiral na Local Government Code na nagtatakdang maging barangay ang isang lugar kung may hindi bababa sa 2,000 ang residente at 5,000 naman sa Kamaynilaan at iba pang urbanized areas sa bansa.

Larawan mula sa Wikipedia

Ayon kay Barbers, kapag daw lumagpas na sa 15,000 ang populasyon ng isang barangay sa urban areas,  dapat daw ay bumuo na ng iba pang barangay. Kapag daw kasi kontrolado ang dami ng tao sa isang lugar, mas madali raw itong pamunuan at makapaghatid ng mga serbisyo.

Isa raw sa mga nag-udyok kay Barbers na gawin ang panukala ay ang mga kaguluhan at isyu na kinahaharap ng mismong barangay officials at mga mamamayan sa pagpapatupad ng mga panuntunan at pagdadala ng tulong sa panahon ng pandemic.

Kabilang daw dito ay ang pamamahagi ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga barangay. Kinailangan pa raw ng extension para lang maipamigay ang ayuda, at sa ibang malalaking barangay naman ay hindi maiwasan ang mga aberya.

“Kaya nga sa ating panukala ay pinapanukala ko na siguro mas maganda, liitan natin yung ating coverage, yung ating barangay. At atasan ang ating mga barangay officials, pinangungunahan ng kapitan, na masiguro na efficient ‘yung pagpapatupad ng mga programa galing sa national,” pahayag ni Barbers sa GMA News.

Larawan mula sa Facebook

Suportado naman daw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panukalang ito ni Barbers. Ayon sa kanila, panahon na raw talaga upang pag-aralan ang epekto ng laki ng isang barangay sa pag-unlad nito at pagiging isang produktibong komunidad.

Ramdam ng DILG ang sinasabi ni Barbers na kaguluhan at isyu sa paghahatid ng ayuda dahil sa reklamo pa lamang tungkol sa SAP ay nasa 2,000 na raw ang natanggap nila.

Loading…