Isang lalaki, naging daan upang mabigyan ng pagkain ang 106 na construction workers na stranded dahil sa ECQ

  • Biyaya sa mga construction workers sa Pasig City ang isang lalaking tumulong sa kanila
  • Nang magbigay ng ayuda ang lalaki sa mga manggagawa, dumagsa ang donasyon para sa mga ito
  • Marami ang nag-donate ng pagkain maging mga hygiene kits para sa mga manggagawang nagugutuman na

May mga Pilipinong hindi makapagtrabaho ngayon dahil sa enhanced community quarantine (ECQ). Pero para sa ilan naman, may mga trabahador na naipit naman sa lugar na pinagtatrabahunan at hindi makauwi sa kani-kanilang pamilya. Ang masaklap pa, kahit nasa worksite sila ay wala naman silang suweldo dahil tigil trabaho rin.

Ganito ang kuwento ng 106 na construction workers mula sa Pasig City. Dahil hindi nakauwi sa kanilang pamilya at probinsya bago ang lockdown, naiwan sila sa construction site at hindi nakatatanggap ng sapat na ayuda at nagugutuman na.

Larawan mula sa Facebook post ni Richard Ronnie Ga

Gumawa ng sariling diskarte ang mga ito at naglagay ng ginawang karatula kung saan nakasaad na kailangan nila ng tulong kahit bigas dahil hindi na sila nakakakain nang wasto. Pinagpala pa rin naman ang mga kaawa-awang manggagawa sa Exchange Road site dahil isang lalaki ang nakapansin sa panawagan nila na naging daan din upang makarating ang mas maraming tulong sa kanila.

In-upload ng manggagawa sa katabing gusali ng construction site na si Richard Ronnie Ga sa kanyang Facebook account ang mga kuhang larawan sa pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa. Ayaw na sanang ibida ni Richard ang kanyang ginawang pagtulong ngunit naisip niyang ito ang paraan upang mas madagdagan ang tulong para sa mga construction workers.

Mula sa sariling bulsa, nagbigay si Richard ng isang sakong bigas, isang tray ng itlog, canned goods, at mga tinapay para sa mga na-trap na manggagawa. Batid niya na hindi ito sasapat kaya naman laking pasasalamat niya na dumagsa ang donasyon para sa mga manggagawa.

Marami daw ang agad na nagpadala sa kanya ng mensahe sa messenger at nais bigyan ng ayuda ang mga construction workers. Bukod raw sa mga pagkain, malaking tulong din ang mga hygiene products na naipaabot sa mga trabahador ng gusaling ginagawa. Nakatanggap naman daw ng tulong ang mga ito mula sa LGU ng Pasig City ngunit hindi ito sumapat sa dami nila.

Larawan mula sa Facebook post ni Richard Ronnie Ga

Naihatid na rin ni Richard ang tulong para sa mga manggagawa sa Pasig City. Ang dating walang makain, dagsa ngayon ang kanilang suplay. Laking pasasalamat daw ng mga trabahador sa lahat ng may mabuting pus0 para mabigyan sila ng ayuda.

Nagpasalamat din si Richard sa lahat ng nakiisa sa kanyang munting proyekto para sa mga kababayang kailangan ng ayuda ngayon. Maliit o malaki man daw ang tulong, kapag pinagsama-sama ay malayo ang mararating.

Loading…