Isang milyong Metro Manila residents inaasahang lalahok sa Balik Probinsya Program

  • Inaasahan na aabot sa isang milyon ang lalahok sa Balik Probinsya sa loob ng anim na buwan
  • Sa loob lang ng limang araw ay umabot na sa halos 10,000 ang aplikante sa programa
  • Halos 80% ng mga aplikante sa programa ay college-level graduate, ayon sa NHA

Inaasahan ng National Housing Authority (NHA) na aabot sa isang milyong residente ng Metro Manila ang lalahok sa Balik Probinsya Bagong Pag-asa program ng pamahalaan na naglalayong ma-dencongest ang Kamaynilaan.

Imahe mula sa DILG

Isiniwalat ni NHA executive director Marcelino Escalada, Jr. na sa loob lang ng limang araw ay halos sampung libo na ang nag-apply sa nasabing programa.

“As we speak right now, there are already close to 10,000 applicants. There is an exponential increase every other day around 10 to 12 percent. For the next six months, talagang lolobo nang lolobo ang gustong bumalik ng probinsiya,” aniya.

“Perhaps we can hit a figure in the next six months, one million of residents of Metro Manila who would like to enroll,” sabi pa ni Escalada, na executive director din ng Balik Probinsya Bagong Pag-asa Program na inaprubahan ni Pangulong Rodigo Duterte kamakalian lang.

Binanggit rin niya na mahigit 80% ng applicants ay college-level graduate at halos 80% nito ay nagta-trabaho sa food and bar related services sa Maynila.

Sabi pa ni Escalada, mayroong humigit-kumulang 400 economic zones sa labas ng Metro Manila. Ang mga industriya sa mga lugar na ito ay kaya umanong makapag-empleyo ng 1.5 million workers.

Imahe mula sa NHA

Ibinahagi pa ng opisyal na sa online application form ay tinatanong ang mga aplikante kung saang larangan sila interesado – farming, fishing, buy and sell, transport services, at iba pa.

“Tutuhugin natin ‘yung specific interest nila and ima-match natin sa specific mandate ng isang agency. Pagdating doon sa probinsiya nila, automatic na ang regional offices of the member council ng ating Balik Probinsiya, sasaluhin sila agad,” ani Escalada.

Iisyuhan ng ID ang mga beneficiaries kapag natanggap na sila sa programa.

Binanggit ni Escalada ang ilang probinsya na handang tumanggap sa mga Balik Probinsya beneficiaries kabilang ang  Leyte, Camarines Sur, Zamboanga del Norte, Bukidnon, Lanao del Norte, Pangasinan, at Quirino.

May insentibo ring ibibigay sa mga local government units na tatanggap sa mga residente ng Metro Manila na magba-balik probinsya.

Imahe mula sa iOrbit News

Loading…