Isda-on-the-Go: Door-to-door isda delivery sa Metro Manila inilunsad ng PFDA

  • Door-to-door isda delivery inilunsad ng PFDA sa buong Metro Manila
  • Tatlo at kalahating kilo ng isda ang minimum order
  • Ang delivery charge ay P150 na mapupunta sa mga delivery drivers

Nahihirapan ang mga konsyumer sa pamamalengke dahil sa mga ipinatutupad na restriksyon sa ilalim ng enhanced community quarantine ECQ; bukod pa ito sa mas mahabang oras na ginugugol sa pagpila sa mga pamilihan dahil sa social distancing protocol.

Imahe mula sa PFDA-NFPC

Araw-araw ay napakaraming isda ang nahuhuli sa mga karagatan na ibinebenta sa mga fish port complex sa Malabon at Navotas subalit nahihirapang makapunta doon ang mga mamimili kaya naisipan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) na magsagawa ng door-to-door fish delivery.

Tinawag ng PFDA ang proyekto na “Isda-on-the-Go” delivery kung saan puwedeng magpa-deliver ng mga isda mula sa fish port complex sa Malabon at Navotas.

Ayon sa PFDA, ang mga residente sa paligid ng Navotas fish ports na nawalan ng hanapbuhay o trabaho ang kinuha nilang delivery drivers. Irerehistro at idaraan ang mga delivery drivers sa training.

“May mga informal settlers tayong nandiyan sa Navotas fish port. ‘Yung lahat ng ating kasama diyan na may motorsiklo, kalalakihan and healthy, ay tinap na natin na sila na ang mag-deliver ng mga ‘isda-on-the-go’ all over Metro Manila,” ani Glen Pangapalan, general manager ng PFDA.

Imahe mula sa PFDA

Ang minimum order sa isda-on-the go door-to-door delivery ay tatlo at kalahating kilo. Ang delivery fee ay P150 na mapupunta sa mga delivery drivers.

Ayon pa kay Pangapalan, kapag natapos na ang ipinatutupad na enhancedcommunioty quarantine sa buong Metro Manila ay itutuloy pa rin nila ang door-to-door delivery system ng mga isda. Gagawing online na rin ang pag-order ng isda.

Imahe mula sa PFDA

Loading…