Japan magpapadala ng libreng Avigan sa Pilipinas para magamit sa clinical trial kontra COVID-19

  • Magbibigay ang Japan ng Avigan anti-viral medicine sa Pilipinas para magamit sa clinical trial
  • Bukod sa Pilipinas ay bibigyan din ang 42 iba pang bansa
  • Ang mga recipient countries ay bibigyan ng Avigan na sapat upang magamit sa 20 hanggang 100 tao na lalahok sa clinical trials

Isa ang Pilipinas sa 43 na bansa na padadalahan ng Japan ng libreng anti-viral medicine na Avigan na gagamitin sa mga clinical trials upang alamin kung epektibo ito kontra sa coronavirus disease (COVID-19).

Imahe mula sa PEP

Sinabi ni Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi noong Biyernes, ika-1 ng Mayo, na inaasahang maipadadala ang Avigan sa mga bansa pagkatapos ng pagdiriwang nila ng Golden Week holidays na nagsimula noong ika-29 ng Abril at matatapos sa ika-5 ng Mayo.

Ayon kay Motegi, nasa 80 bansa ang nagpahayag ng interes sa Avigan, subalit 43 bansa pa lang ang naaprubahan ng Japanese government. Bukod sa Pilipinas, ang lima pang bansa sa Asya ang naaprubahan kabilang ang Malaysia, 25 na bansa mula sa Europa, lima sa Middle East at pitong iba pang bansa sa ibang rehiyon.

“After we provide Avigan, those countries will provide clinical research, and they will be offering the clinical data they receive through their clinical research to Japan, and that should contribute to the acceleration of development of effective therapeutics,” pahayag ni Motegi noong ika-28 ng Abril.

Ang mga recipient countries ay bibigyan ng Avigan na sapat upang magamit sa 20 hanggang 100 tao na lalahok sa clinical trials.

Imahe mula sa Egypt Today

Ang Fujifilm Toyama Chemical ng Japan ang manufacturer ng Avigan. Nagsimula na ang kumpanya sa produksyon ng nasabing medisina. Target nito na magkaroon ng sapat na supply para sa 300,000 patients kada buwan simula sa buwan ng Setyembre.

Ang Avigan ay brand name ng gamot na  Favipiravir. Naaprubahan itong gamitin sa Japan noong 2014. Ginamit ito noon bilang panlunas sa Ebola. Pinapayagan lang ang paggamit nito para sa mga flu outbreaks na hindi epektibong natutugunan ng mga umiiral na gamot para sa flu.

Hindi available sa mga pamilihan ang Avigan. Maaari lang itong i-manufacture at i-distribute sa request ng Japanese government.

Ang favipiravir ay gumagana umano sa pamamagitan ng pagharang sa kakayahan ng virus na magparami sa loob ng isang cell.

Imahe mula sa Fujifilm

Loading…