Klase sa South Korea, muling kinansela bunsod ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases

  • Ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan ay malaking usapin ngayon saan mang sulok ng mundo
  • Marami pa rin ang nangangamba na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan
  • Sa South Korea, makalipas lamang ang ilang araw na pagbubukas ng klase ay muli itong kinansela bunsod ng biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19

Kung sa Pilipinas ay pinagdedebatehan pa ang planong pagbubukas ng klase sa Agosto, sa South Korea naman ay muling kinansela ang klase sa mga paaralan bunsod ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon sa report ng BBC, makalipas lamang ang ilang araw ng pagbubukas ng klase ay nakapagtala na agad ng 79 bagong kaso ng COVID-19. Ito umano ang pinakamataas na numero na naitala sa loob ng isang araw sa nakalipas na dalawang buwan.

Imahe mula sa Pixabay

Ang biglaang pagtaas ng kaso ay iniuugnay ng mga awtoridad sa isang warehouse sa Bucheon City dahil maraming pasilidad doon ang hindi umano sumusunod sa mahigpit na panuntunan ng South Korea kontra COVID-19.

Ayon pa sa report, nasuri ng mga health officials doon na ang virus ay natagpuan sa mga sapatos at damit ng mga trabahador sa nasabing warehouse.

Ang 251 paaralan sa Bucheon ay sapilitan nang ipinasara at 117 paaralan naman sa Seoul ang hindi na itinuloy ang muli sanang pagbubukas ng kanilang klase.

Isa umanong mag-aaral sa Seoul ang nagpositibo sa virus kung saan ang nanay nito ay nagtatrabaho sa tinukoy nilang warehouse.

Samantala, ang mga pampublikong parke at museo sa Seoul at mga kalapit na siyudad ay muling isinara habang ang mga negosyo naman ay patuloy na hinihikayat na magkaroon ng flexible working schedule.

Imahe mula sa Pixabay

Muli rin nilang pinakiusapan ang publiko na iwasan ang mga pampublikong pagtitipon.

Ayon sa huling tala ng World Meter noong Mayo 30, 2020, may naitala nang 11,441 kaso ng COVID-19 sa South Korea.

Source :

BBC, World Meter

Loading…