Klasikong Pinoy meryenda: Nakakain ka na ba ng inihaw na saging na may asukal o “ginanggang?”

  • Maraming lutuing saging ang ginagawang meryenda ng mga Pilipino
  • Isa sa mga ito ay ang ginanggang o inihaw na saging na may asukal at mantikilya
  • Maraming netizens naman ang may matamis na alaala sa nasabing meryenda

Bahagi ng meryenda ng mga Pilipino ang lutuing saging. Hindi lang panghimagas ang prutas na ito kung hindi panglaman tiyan din ito sa oras ng meryenda. Nariyan ang pinasikat na banana cue at turon na inilalako pa sa mga eskinita.

Pero mayroong isang meryenda sa mga lalawigan na hindi man ganoon kasikat tulad ng banana cue at turon, lalaban naman daw sa sarap. Ito ang binalikan ng mga batang 90s sa Facebook group na We Are 90s dahil marami sa kanila, paborito ang lutuing saging na ito.

Larawan mula sa Facebook post ni Aiko Melindez

Ibinahagi ng netizen na si Aiko Melindez sa kanyang post ang larawan ng inihaw na saging na binudburan ng asukal. Sabi niya, ito raw ang da best meryenda noon. Pinahulaan niya rin ang pangalan nito sa mga netizens. Alam ng ibang nakatikim na rin sa inihaw na saging sa opisyal na tawag dito.

“Ginanggang” ang tawag sa lutuing ito. Ang meryendang ito ay sinasabing pinagsamang banana cue at maruya na parehong luto sa saging. Parang banana cue dahil nakatuhog din sa stick. Hindi nga lang ito piniprito kung hindi iniihaw.

Para din itong maruya dahil binubudburan ng asukal o di kaya naman ay mantikilya matapos ihawin. Dahil mainit-init pa ang inihaw na saging, matutunaw ang asukal o mantikilyang ipinahid na magbibigay ng tamis sa inihaw na saging.

Nagmula raw ang pagkaing ito sa Cebu. Laganap din ang inihaw na saging na mayroong mantikilya at asukal sa Mindanao. Nakarating na rin ito sa Luzon kalaunan na impluwensiya ng mga Bisaya na dumayo sa nasabing rehiyon.

Larawan mula sa YouTube

Maraming alaala naman ang nakabalot sa meryendang ito. Ayon sa ilan, ang kanilang eskwela ang naaalala nila sa ginanggang. Marami daw kasing nagtitinda nito sa harap ng paaralan na binibili nila kapag recess.

Street food naman itong maituturing sa ilang lugar sa katimugang bahagi ng bansa. Katulad ng banana cue ay laganap din ang mga street vendor na nag-aalok ng kanilang bersiyon ng ginanggang.

Ikaw, nakakain ka na ba ng ginanggang?

Loading…