Klasikong recess ng elementary: Anong madalas mong bilhin sa mga pagkain sa eskwela na nakalagay sa cup?

  • Binalikan ng mga bata noon ang klasikong pagkain sa elementary school na nakalagay sa colored cups
  • Iba-iba araw-araw ang laman nitong pagkain na naging malaking bahagi ng buhay ng mga mag-aaral
  • Kanya-kanya rin sila ng kuwento sa mga hindi malilimot na karanasan noong sila ay bumibili pa ng mga pagkaing ito

Malaking bahagi ng buhay ng isang mag-aaral sa eskwela ang oras ng pagkain o recess. Madalas pa ngang biruan na ito ang paboritong subject ng mga estudyanteng habol lamang sa pagpasok ay ang baon sa eskwela.

Pero paborito mo mang subject ang recess o hindi, siguradong inabangan mo rin ang tinda ng kantina sa inyong paaralan. At sa mga nag-aral sa pampublikong paaralan, hindi mawawala ang mga pagkaing dinadala sa silid na nakalagay sa mga makulay na cup o tasa.

Larawan mula kay Junniefer Salabao

Ito ang sinariwa ng mga netizen mula sa Facbeook page na Ang Dekada 2000’s. Sa isang post ni Charmaine Peñaverde, makikita ang isang artwork na orihinal na likha raw ni Junniefer Salabao. Makikita rito ang mg cup na may lamang pagkain na madalas ibenta noon sa bawat silid.

Iba-iba kada araw ang lutuing handog ng kantina. Sa halagang tres hanggang limang piso lang ay solve na ang cravings ng mga bata noon. Naghahalinhinan ang mga putaheng lugaw, champorado, pansit, spaghetti, sopas, pansit, miswa, at sotanghon sa mga ibinebntang lutuin na nasa cup.

Patok ito sa mga mag-aaral dahil sa murang halaga lang ay mabubusog na at makatitipid ng baon. Minsan nga lamang ay nagiging sanhi rin ito ng suliranin sa loob ng klase dahil may mga panahong hindi ito nauubos na ikaiinis naman ng guro dahil mas gusto pang bilhin ng mga mag-aaral ang mga hindi masustansyang pagkain sa labas.

Binalikan din ng ilang mga mag-aaral kung paano nila kinakain ang mga nasabing pagkain sa cup. Ayon sa kanila, kapag daw masabaw ang pagkain, nagkakandapaso-paso na raw ang kanilang dila upang maubos ito dahil may oras lamang ang recess.

Larawan mula sa larawang ni-reupload sa FB page na Ang Dekada 2000s

Sa iba namang kapos sa baon, isang hulog ng langit ang mga cup meals na ito lalo na kung half day lamang ang klase. Sigurado kasing mabubusog ka na nito hanggang matapos ang araw sa eskwela at kakain na ng pananghalian o hapunan kapag nakauwi na.

Pinaparesan naman ng ibang nakaluluwag-luwag ng juice o samalamig ang mga bilihin sa cup. Sa ganitong paraan daw ay nagiging kompleto ang kanilang recess. Siyempre ang iba, mayroong ayaw na lutuin at mayroon din silang mga paborito.

Loading…