Klasikong whitening cream: Nakagamit ka na rin ba noon ng Chin Chun Su para pumuti ang mukha mo?

  • Trending ngayon sa social media ang post ng isang netizen tungkol sa sikat na whitening brand noong 1980s
  • Ito ay ang Chin Chun Su na mula sa bansang Taiwan na sumikat sa Pilipinas dahil sa pagiging epektibo
  • Maraming netizens ang nagsalaysay ng nagawang pagpapaputi sa kanila ng naturang produkto

Natural na moreno at morena ang mga Pilipino. Karamihan sa populasyon natin ay mayroong kayumangging balat na naging tatak na rin ng ating lahi. Gayunman, ang ilang may kayumangging kulay ay nagnanais pumuti kaya naman lumaganap ang iba’t ibang whitening products sa bansa.

Isa sa mga ito ay ang produkto mula sa bansang Taiwan na Chin Chun Su na sumikat sa bansa noong 1980s. Bagama’t hindi nauunawaan ng marami ang ibig sabihin ng pangalan nito, tinangkilik pa rin ito ng mga kababaihan at maging ang ilang lalaki na gustong pumuti ang balat.

Larawan mula sa Facebook post ni Santino Latorena

Nagbalik-tanaw din ang mga netizens sa sikat na produktong ito.

Sa Facebook post ni Santino Latorena, ibinida niya ang iba’t ibang variant ng Chin Chun Su. Nagsilbi rin itong pagpapakilala sa nasabing produkto sa mga kabataang hindi na inabutan ang kasikatan nito.

Mabibil daw ang Chin Chun Su sa tatlong magkakaibang kulay—ito ay ang mga kulay na red, orange, at pink— na may iba’t ibang gamit. Pero makikilala agad ang produkto dahil sa kakaibang lagayang plastik nito. Maliit lamang itong biluhaba o oval na mayroong Chinese characters sa labas.

Pinasikat sa mga ito ay ang pink variant na talagang pamputi. Ipinapahid raw ang produkto sa mukha hanggang leeg upang ma-achieve ang maputing kulay ng balat. Karaniwang inilalagay daw ito pagkaligo o hindi kaya naman ay bago matulog.

Sumikat din ito dahil sa murang presyo. Hanggang ngayon ay may nabibili pa ring Chin Chun Su sa mga botika at mga beauty products store. Nasa bente pesos lamang ang isa nito kaya naman patok sa masa hanggang sa ngayon.

Larawan mula sa Facebook post ni Santino Latorena

Dahil marami rin ang nais magsabi ng “Salamat Chin Chun Su,” agad na dumagsa ang reactions para sa nasabing post ni Santino. Sa kasalukuyan, mayroon na itong 6,100 reactions, 6,100 comments, at 12,000 shares.

Marami ang nagsalaysay ng kanilang karanasan sa paggamit ng produkto at sinabing kahit mumurahin lang ito, mabisa naman daw ito. Sabi nila, sa bisa raw ng Chin Chun Su nila nakamtam ang maputi at makinis na balat na inaasam.

Loading…