Koko Pimentel, nais raw ihabla ang mga nagpakalat ng pamamahiya sa kanya dahil sa pagpositibo sa COVID-19

  • Nais raw ihabla ni Senador Koko Pimentel ang mga nanira sa kanya dahil sa pagkakaroon ng C0VID-19
  • Hindi lang daw kasi siya ang naapektuhan kung hindi pati na rin ang mga kaanak, empleyado, at iba pang kakilala
  • Ipinapa-trace na umano niya ang mga ito upang masampahan ng kaukulang ligal na aksiyon

Matatandaang naging kontrobersyal si Senador Koko Pimentel noong Marso dahil sa diumano’y paglabag sa quarantine protocol. Namataan kasi si Koko sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan kahit na sumailalim siya sa C0VID-19 test at kalaunan ay nagpositibo nga sa virus.

Dahil dito, inulan ang senador ng puna lalo na sa social media. Hindi naman ito ikinatuwa ni Pimentel at ngayong tuluyan nang gumaling ay nais daw niyang ihabla ang mga nagkalat ng negatibong balita sa kanya.

Larawan mula sa PNA

Sa isang pahayag sa DZMM, hindi lang daw siya ang naapektuhan ng mga pamamahiyang nakuha sa social media kung hindi maging ang kanyang pamilya, mga kasamahan sa bahay, sa trabaho, at mga kaanak ng mga ito dahil inaakala ng iba na apektado na rin sila ng C0VID-19.

Lumabas umano ang iba’t ibang hindi magandang balita tungkol sa kanyang mga staff at sadyang ginawa ang mga ito upang siraan siya. Pinaghahanap na raw niya ang mga ito at desididong sampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Bayanihan Law.

“Imagine mo, gagawan mo ng kwento ‘yong drivers ko, pati pamilya nila, iintrigahin sa online. Tine-trace nga namin ang mga ito kasi krimen ito eh, krimen yan sa ilalim ng Cyber…” pahayag ni Pimentel.

Dahil daw itinuturing na ni Pimentel na ikalawang buhay na ang pagkakaligtas sa C0VID-19, nais daw niyang maging boses ng mga nakakuha ng diskriminasyon sa pagkakaroon ng karamdamang ito. Kaya naman gagawin niya ang lahat upang i-expose ang mga ito.

Larawan mula sa Pexels

Bilang isang abogado, alam raw ni Pimentel na may kalayaan sa pagpapahayag ng opinyon ang mga mamamayan ngunit alam niya raw kapag may pang-aabuso na sa kalayaang ito. May pananagutang ligal na ang mga ito at kailangang harapin ang kapalit ng kanilang ginawa.

Samantala, may kinahaharap ding reklamo si Pimentel dahil sa ginawa umanong paglabag dahil sa pagpunta sa Makati Medical Center kahit isa siyang person under investigation (PUI) para sa C0VID-19.

Loading…