Kung si Jinggoy Estrada ni-release agad, ang ibang ECQ violators dapat na ring palayain – BMP

  • Kung mabilisang pinalaya si Jinggoy sa ginawang paglabag sa quarantine protocols, dapat palayain na rin ang lahat ng ECQ violators, ayon sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
  • Ang dating senador na si Jinggoy ay hinuli matapos mamahagi ng mga isdang bangus sa mga residente sa San Juan City
  • Stern warning lang ang ibinigay ng pulisya sa dating senador

Kung hinayaan ng pulisya ang dating senador na si Jinggoy Estrada na agad makalaya matapos lumabag sa enhanced community quarantine (ECQ) guidelines, dapat palabasin na rin sa kulungan ang iba pang ECQ violators, sabi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Imahe mula sa BMP

Ipinakita ng BMP sa Facebook page nito ang larawan kung saan nakapiit ang BMP vice president Lito Rastica at labor leader na si Reynaldo Dulay na hinuli noong Mayo uno dahil sa paglabag umano ng mga ito sa quarantine protocols.

Ayon sa post ng grupo, marami sa mga nakapiit sa selda ay mga quarantine violators. Marami sa kanila ang isang buwan na raw nakapiit dahil walang abogado. Subalit bakit daw si Jinggoy Estrada ay mabilisang pinakawalan ng pulisya matapos siyang hulihin sa kaparehong dahilan.

Panawagan ng grupo, kung si Jinggoy Estrada ay pinalaya agad, dapat na rin daw pakawalan ang lahat ng lockdown violators.

Ang dating senador na si Jinggoy ay hinuli matapos niyang mamigay ng mga isdang bangus sa mga residente sa Barangay Salapan sa San Juan City. Hindi umano siya humingi ng permit sa lokal na pamahalaan bago nagsagawa ng relief operation gaya ng isinasaad sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force.

Screenshot mula sa video ng FLMS

Hindi rin umano nasunod ang social distancing dahil nagkakagulo ang mga taong naghihintay na mabigyan ng bangus. Wala rin umanong quarantine pass si Jinggoy.

Batay sa pahayag ng PNP-PIO, binigyan lang nila ng stern warning at hindi kinasuhan ang dating senador.

“Binigyan lamang ng stern warning si dating Sen. Jinggoy Estrada na makipag-ugnayan sa LGU kung ito’y mamamahagi ng pagkain at sumunod lang sa panuntunan ng social distancing na ipinapatupad sa ilalim ng ECQ. Walang kaso na isinampa ang PNP laban sa kanya. Wala ring inaresto mula sa mga taong tumanggap ng pagkain.,” pahayag ng PNP-PIO sa mga mamamahayag.

Screenshot ng bahagi ng statement ni San Juan City Mayor Francis Zamora

Noong nakaraang buwan, matatandaang nagbigay ng warning si Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa publiko hinggil sa paglabag sa quarantine protocols

“As of today, violators will be arrested. Mag-prepare tayo ng malaking kulungan and let them suffer the inconvenience,” aniya.

Loading…