Lalaki nagpa-deliver ng cake, donuts, at milk tea para sa nililigawan pero ‘di tinanggap; ano’ng ginawa ng delivery guy sa pagkain?

  • Viral sa social media ang kuwento ng isang lalaki tungkol sa customer na ni-reject ng nililigawan
  • Nagpadala raw ito ng donuts, cake, at milk tea para sa babaeng nagugustuhan kaso hindi ito tinanggap ng babae
  • May boyfriend na raw kasi ang babae kaya naman hindi na siya tatanggap ng anuman mula sa lalaki

Dahil may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa, isa sa mga sikat na serbisyo ngayon ay ang pagpapa-deliver. Marami ang hindi makalabas pero may cravings pa rin kaya naman sa iba’t ibang delivery services na lang sila umaasa.

At para naman sa may mga pinopormahan, delivery din sana ang isa sa paraan para suyuin ang sinisinta ngayong ECQ. Ang kaso, hindi lahat ng nililigawan ay natutuwa sa ganitong surpresa at handang tanggapin ang padala, lalo na kung may karelasyon na.

Larawan mula sa Facebook post ni Cristhian Escolano

Ganito ang istorya ng isang delivery guy na napag-utusang magdala ng cake, donuts, at milk tea ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa kanyang nililigawang nasa Taguig City. Ngunit rejected ang panliligaw ng lalaki, maging ang kanyang mga ipinadalang pagkain.

Ayon sa uploader na si Cristhian Escolano, excited pa naman daw ang OFW na si James dahil tatlong araw bago kunin ang serbisyo nila ay bayad na ito. Ang kaso, pagkahatid niya sa bahay ng babae, sinabi ng kasambahay nitong hindi siya tatanggap ng anumang mula kay James dahil may nobyo na siya.

Agad raw na tinawagan ni Cristhian ang customer kaso hindi niya masabi noong una ang totoong dahilan. Pero dahil ayaw niya ring maglihim, sinabi niya ito kahit masasaktan si James. At ang basted na si James, ibinigay kay Cristhian ang pasya kung anong gagawin sa mga pagkaing hindi tinanggap ng nililigawan.

“Eh ang kulit niya sinabi ko na may BF na daw at ayaw tangapin yung pinadala mo. Ang sabi lang ni James ‘Sa inyo na lang yan or ibigay mo kahit kanino’,” sabi ni Cristhian sa kanyang post.

Larawan mula sa Pexels

Dahil dito, damang-dama ng netizens ang pagkasawi ni James. Nag-viral agad ang post, 17 oras pa lang na naka-upload. Mayroon na itong 97,000 reactions, 14,000 comments, at 44,000 shares sa kasalukuyan.

Ayon sa ilang pabirong nagko-comment at nagta-tag sa kanilang mga nobyo at manliligaw, tatanggapin daw nila ang anumang ipadalang pagkain sa kanila ngayon ng mga ito. Hindi raw nila tatanggihan tulad ng babae sa viral post. May ilan namang suhestiyon na ibigay na lang ang mga pagkain sa mga frontliners.

Loading…