Lalaki sa Davao naluha sa pananghaliang kinayod na niyog, walang pambiling bigas

  • Lalaki naluha habang kinakayod ang niyog na siyang kakainin sa pananghalian
  • Umapela siya ng tulong sa mga mabubuting loob
  • Masipag si Mang Alfredo pero natigil ang kanyang trabaho dahil sa ECQ

Naluha na lamang ang isang lalaki sa Davao City habang kinakayod ang tatlong niyog na siyang magsisilbi niyang pananghalian kasama ang pamilya sapagkat wala na silang bigas.

Image capture of video by Sachiko Neri via Facebook

Sabi ni Mang Alfredo Paz sa bidyong ibinahagi ni Sacho Neri sa Facebook, pinili na lamang umano nitong magkayod ng niyog dahil gutom na ang kanyang pamilya.

Humingi ito ng tulong sa mga mabubuting loob na nawa’y maawa sa kanilang kalagayan.

Pagbabahagi ng GMA News, ang kinayod na niyog ay ibinahagi pa sa kanyang dalawang kapatid na hirap din sa buhay.

Aniya, “Napakabigat. Iyong iba kumakain ng masarap, natutulog sa magandang tulugan. Kami, masyadong napakahirap.”

Nabanggit din na si Mang Alfredo ay nagtitinda ng mani at mga gulay. Dati rin siyang nakapagtrabaho bilang janitor, service crew, packer at freighter.

Ang kita mula sa kasipagang ipinapamalas ay inilalaan para sa pang-araw-araw na pangangailangan nilang magkakapatid at nag-iipon din siya para maipagpatuloy ang pag-aaral.

Dagdag nito na sa kabila ng pagsisikap ay nawawalan sila ng pera pambili ng pagkain at pamasahe dahil sa minsan ay matagal dumating ang kanyang sahod.

Sabi nito, hindi niya magawa ang mga trabahong ito at kumakalam na rin ang kanilang sikmura dahil sa ipinatutupad na quarantine.

Mayroon din namang relief packs na ibinigay ang pamahalaan pero hindi ito sapat kainin sa loob ng quarantine period.

Malaki ang pasasalamat ni Mang Alfredo na nag-trending ang kanyang kuwento at mayroon silang natatanggap na donasyon mula sa mga may mabubuting loob.

Image capture of video by Sachiko Neri via Facebook

Pinangakuan din siya ng Public Employment Service Office sa kanilang lugar ng maayos na trabaho matapos ang quarantine.

Maaaring magpadala ng tulong kay Mang Alfredo sa pamamagitan ng pagdedeposito ng kahit na anumang halaga sa kanyang bank account: ALFREDO L. PAZ JR. | 003800312810 | BDO TORIL, DAVAO CITY BRANCH.

Loading…