Lalaking nagpa-tattoo ng ABS-CBN programs sa ulo at mukha nalungkot nang isara ang TV network

  • Lalaking taga-Albay na solid fan ng ABS-CBN nalungkot sa pagsasara nito
  • Naka-tattoo sa ulo at mukha niya ang ABS-CBN logo at mga pangalan ng Kapamilya talents at programs
  • Magdadagdag siya ng mga tattoo sa ulo kapag muling nagbukas ang Kapamilya Network

Hindi maitatanggi na solid ang paghanga ng isang lalaki sa ABS-CBN. Ipinakita niya ang pagmamahal niyang ito sa TV network sa pamamagitan ng pagpapa-tattoo ng mga paboritong programa at artista ng Kapamilya network sa kanyang ulo at mukha.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Kaya naman labis na ikinalungkot ng lalaki ang pagsasara ng paboritong TV network matapos maglabas ang National Telecommunications Commission ng cease and desist order dahil nag-expire na ang congressional franchise nito noong ika-4 ng Mayo.

Kinilala ang ABS-CBN fan na si Caloy Pasahol mula sa Legazpi City, Albay na ang pinakaunang tattoo sa mukha ay ang logo ng TV network sa kanyang kanang pisngi. Mula pagkabata hanggang ngayong isa na siyang senior citizen ay tagahanga na siya ng mga programa ng Kapamilya network.

Galit umano ang nadama ni Mang Caloy sa biglaang pagpapasara sa ABS-CBN.

“Sobrang galit ko, Ma’am. Sabi ko wala na. ‘Wala na tayong papanoorin,’ sabi ng mga anak ko. Ginawa ko, sa labas na lang ako tatambay. Wala nang libangan kami kasi ‘yung sinusubaybayan namin mga drama,” aniya.

May mga kapitbahay nga raw siya na nagpapayo nang pabiro na tanggalin na niya ang mga tattoo sa mukha at ulo dahil sarado na ang paboritong network.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Sabi ko ba’t ko tatanggalin, eh idol ko ‘yan,” aniya.

Bukod sa tattoo na ABS-CBN logo, makikita ang tv programs tulad ng “Mutya ng Masa,” Rated K,” “SOCO,” “MMK,” “Bandila,” at “Ang Probinsyano” na naka-tattoo sa ulo at mukha.

Makikita rin ang mga pangalan ng mga paborito niyang Kapamilya talents gaya ni Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Anne Curtis, Amy Perez at Coco Martin.

Kung sakaling bumalik sa ere ang ABS-CBN ay dadagdagan pa ni Mang Caloy ang mga tattoo niya. Aniya, may espasyo pa naman sa ulo niya para sa mga bagong tattoo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…