Legendary! NCAA pinag-aaralang ilagay ang Mobile Legends at NBA 2K bilang bahagi ng e-sports division

  • Pinag-aaralang ilagay sa NCAA ang e-sports division ngayong school year kung pahihintulutang muling buksan ang liga
  • Dalawang sikat na mobile game daw ang lalaruin sa dibisyong ito kung sakali, ang Mobile Legends at NBA 2K
  • Mas makabubuti rin umano na magkaroon ng e-sports game ngayong may pandemic para sa physical distancing

Noong nakaraang Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Pilipinas, kasama na sa mga pinaglabanang sporting events ang ilang e-sports. Kabilang sa mga nilaro ay ang usong mobile game ngayon na Mobile Legends na napagtagumpayan ng mga Pilipino.

Ngayong taon naman, inihayag ng National Collegiate Athletics Association (NCAA) na binabalak nilang ilagay ang e-sports sa mga dibisyong lalaruin sa nasabing taunang paliga. Ayon sa management committee chairman ng Colegio de San Juan de Letran na si Fr. Vic Calvo, panahon na raw upang pag-aralan ang pagpasok ng e-games sa collegiate games.

Larawan mula sa YouTube

Kung mabibigyan daw ng go signal ang pag-uumpisa ng bagong season ng NCAA ngayong school year, mukhang malaki ang tsansa na may bagong aabangan ang sports fans dahil isasama na nila ang Mobile Legends at NBA 2K sa mga maaaring salihan.

Sa e-games din daw kasi ay mas maoobserbahan ang physical distancing at hindi kailangan ng physical contact dahil gadget lamang at internet connection ang kailangan. Mahalaga raw na masiguro ang kaligtasan sa pagpapatupad ng sporting events lalo na’t may banta pa rin ng C0VID-19 sa bansa.

“We’re seriously considering holding e-games or e-sports should and when we be allowed to open the NCAA this season… It is best for everyone because it is safer for our athletes as well as for everyone,” pahayag ni Fr. Calvo.

Larawan mula sa Wikipedia

Balak ding pag-aralan ng NCAA ang pagpapatupad ng ilang sporting events lamang ngayong taon bilang bahagi na rin ng kanilang cost-cutting. Ilan sa mga binabalak na isagawa ay ang basketball, volleyball, track and field, at swimming.

Mas maikli na rin umano ang calendar of events para sa school na year na ito kung pahihintulutang buksan muli ang NCAA ngayong taon.

Loading…