Libre na ang upa, may pa-bigas pa: Netizen nagpasalamat sa kabutihan ng may-ari ng inuupahang bahay

Imahe mula sa Facebook | Marron Leynes
  • Labis ang pasasalamat ng isang tenant sa may-ari ng inuupahang bahay ng kaniyang pamilya
  • Bukod kasi sa tatlong buwan nang libre ang kanilang upa ay nagawa pa nitong mamigay ng bigas
  • Malaking tulong daw para sa pamilya ni Marron Leynes ang libreng upa lalo na at walang pumapasok na kita sa kanila ngayon

Ibinahagi ng isang netizen mula sa Lipa, Batangas ang kabutihang loob ng may-ari ng inuupahang bahay na tatlong buwan na ngang hindi naniningil ng upa ay namigay pa ng isang sakong bigas.

Imahe mula sa Facebook | Marron Leynes

Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay nagpasalamat si Marron Leynes sa Ilagan family.

Kuwento ni Marron sa Philippine Star, sa ikatlong buwan na hindi sila pinagbabayad ng upa ng pamilya ay nahiya na siya kaya kusa na siyang nag-abot ng bayad.

“After kong ibigay ang bayad, nag-chat sa akin yung anak from Italy na ibabalik daw sa akin ang ibinayad ko. After a few hours, may bigas pa na ibinigay,” pagbabahagi niya.

“Pangatlong buwan na nilang hindi nagpapabayad ng renta (P6,000 monthly) sa pitong pinto. Malaking kawalan sa negosyo nila pero nagawa pang magbigay ng ayuda.”

Imahe mula sa Facebook | Philippine Star

Kuwento pa ni Marron, kamakailan lamang ay yumao ang padre de pamilya ng mga Ilagan ngunit ibinilin nito na abutan ng tulong ang mga nangungupahan sa kanila. “Hindi ba’t napakabuti? Ang saya mo siguro ngayon sa langit, Ka Cesar. Kapost-post naman talaga ang mga ganitong tao,” ani Marron.

Malaking tulong daw para sa kaniyang pamilya ang natitipid nila sa upa lalo na at walang pumapasok na kita dahil sa kinahaharap na krisis ng bansa.

“Sobrang saya kasi malaking tulong yung three months na hindi sila nagpabayad lalo na at walang pumapasok na income at naiipon ang mga bayarin sa bahay,” kuwento niya.

Dahil sa kabutihan ay marami ang humanga sa pamilya ng inuupahan ni Marron.

“You are so lucky to have a landlord na generous and compassionate. Bless their hearts. As tenants, be grateful dahil madalang na lang ang ganiyang tao sa panahon na ito,” ani A. Amazona.

God bless you, Ilagan family!

Loading…