
- Pahihintulutan na ang limited outdoor exercises sa mga MECQ at GCQ areas simula sa May 16
- Kailangan lang sundin ng mga tao ang safety protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face masks
- Ang non-contact sports tulad ng tennis at golf ay pahihintulutan na sa GCQ areas
Maaari nang mag-ehersisyo ang mga Pilipino sa labas ng kanilang tahanan sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ) simula sa Sabado, ika-16 ng Mayo.

Sa virtual press briefing na isinagawa ni Presidential Spokesman Harry Roque, ipinahayag niya na pahihintulutan na ang mga mamamayan na magsagawa ng limitadong outdoor exercises katulad ng brisk walking, jogging at biking saan mang panig ng bansa.
Aniya, kailangan lang sundin ng mga tao ang safety protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face masks.
“Sa modified ECQ, ay pupuwede po ang limited outdoor exercises. Kasama po ang outdoor walk, paglalakad, jogging, pagtakbo, bisikleta. Pero kinakailangan meron pong safety protocols kagaya ng pagsusuot ng masks at two-meter distancing,” ani Roque.
Ang mga non-contact sports naman gaya ng tennis at golf ay pahihintulutan sa mga lugar sa ilalim ng GCQ, subalit ipinaalala niya na hindi pa rin ito maaari sa MECQ areas.

“Limited contact sports like golf and tennis will be allowed under GCQ. Many will be happy but I would like to remind that these remain prohibited under MECQ,” aniya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang mga contact sports gaya ng boxing, wrestling at mixed martial arts ay hindi pa rin pahihintulutan habang may ipinaiiral na quarantine.
“Contact sports are not allowed for now. Maybe as we go down the road,” ani Lorenzana, na chairman din ng National Task Force COVID-19.

Simula sa Sabado, ika-16 ng Mayo, ang buong Metro Manila, Laguna at Cebu City ay isasailalim sa MECQ, samantalang ang ibang bahagi ng bansa ay ilalagay na sa mas maluwag na GCQ.