Lineman ng Meralco, makapigil-hiningang tumawid sa kable ng kuryente upang matanggal ang sumabit na saranggola

  • Trending sa social media ang pagtawid ng isang lineman ng Meralco upang alisin ang sumabit na saranggola sa kable
  • Tinutukan ng uploader ang pagdaan sa kable ng lineman upang maalis ang saranggola
  • Maraming netizens naman ang nahabag sa lineman at nainis sa mga patuloy na nagpapalipad ng saranggola

Una nang inihayag ng Manila Electric Company (Meralco) na isa sa mga sanhi ng brownout ngayon sa malaking bahagi ng bansa ay ang mga sumabit na saranggola sa mga kable.

Ayon sa pahayag ng Meralco, nasa halos dalawang milyong kabahayan ang naperwisyo ng brownout na dulot ng mga saranggola.

Dahil dito, nakiusap din ang Meralco sa publiko na kung maaari ay iwasan muna ang pagpapalipad ng mga saranggola upang maiwasan ang pagkaantala ng suplay ng kuryente lalo na’t maging ang mga pagamutan ay naaapektuhan.

Larawan mula sa Facebook post ni Ghala Era

Ngunit kahit nakiusap na ang Meralco sa publiko, nananatiling maraming pasaway na mga Pilipino at patuloy na nagpapalipad ng saranggola. Sa ganitong pagkakataon, wala na ring magawa ang Meralco kung hindi ayusin ang napinsalang poste at linya at maibalik ang suplay ng kuryente.

At sa isang trending Facebook post, makikita ang larawan ng isang lineman na makapigil-hiningang pagtatanggal ng sumabit na saranggola sa kable ng kuryente. Ayon kay Ghala Era na nag-upload ng larawan, bumuhol daw ang saranggola sa wire na agad namang tinanggal ng lineman.

Tumulay sa kable ng kuryente ang tauhan ng Meralco. Kita ang napakaraming electric wires at ang saranggolang nasa kable. Tinatanggal ito ng lineman dahil maaari itong magdulot ng sun0g lalo pa’t mukhang uulan ng araw na iyon dahil makulimlim ang panahon.

Marami ang nahabag sa sitwasyon ng lineman kaya naman agad na nag-viral sa Facebook ang mga larawan. Umabot na sa 4,700 reactions at 11,000 shares ang nakuha nito habang isinusulat ang istoryang ito.

Larawan mula sa Facebook post ni Ghala Era

Pahayag naman ng mga netizens, kahit daw na kasama sa trabaho ng mga lineman ang ganitong kadelikad0ng gawain, maiiwasan naman daw ito kung susunod lang ang mga Pilipino sa utos na bawal muna ang magsaranggola.

Una na rin kasing sinabi ng Meralco na sa kaliwa’t kanang power interruption at line repair na ginagawa nila, madalas na hindi sumasapat ang kanilang mga tauhan upang maayos agad ang mga pinasalang naidudulot ng mga sumabit na saranggola.

Meralco, iniulat na isa sa sanhi ng brownout ngayon ay ang mga sumasabit na saranggola sa kable ng kuryente

Loading…