Lola naiyak sa tuwa dahil nakuha na ang P6,000 ayuda mula sa social amelioration program ng DSWD

  • Umantig sa maraming netizens ang larawan ng isang lola na naluha nang makuha ang perang ayuda
  • Mula sa social amelioration program ng DSWD ang pera na malaking tulong sa lola mula sa Cebu
  • Nag-trending agad sa social media ang larawan ng matanda at maraming netizens ang may napagtanto dahil kay lola

Hindi pare-pareho ang kalagayan ng mga Pilipino sa panahong ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ). Mayroong mga kayang mag-imbak ng pagkain at hindi nag-aalala sa kanilang pangangailangan sa loob ng ilang buwan habang ang ilan ay hindi na alam kung saang palad huhugutin ang pantustos sa kanilang araw-araw na gastusin.

Kaya naman nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng ayuda ang Department of Welfare and Social Development (DSWD) ng ayuda sa mga mahihirap, laking tuwa ng karamihan dahil malaking ayuda na ito para sa kanila.

Larawan mula kay Snow Agravante via Iskina Cebu

Kaugnay nito, isang nakaaantig na kuwento ang kumakalat ngayon sa social media tungkol sa isang lola na walang mapagsidlan ng tuwa nang mapasakamay ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Ibinahagi ng Facebook page na Iskina Cebu ang larawang orihinal na kuha ni Snow Agravante tungkol sa isang matandang naluha sa tuwa nang makuha ang pera mula sa social amelioration program (SAP).

Bitbit ang kopya niya ng social amelioration card (SAC) form at ang P6,000 mula sa DSWD, hindi napigilan ng ginang ang kanyang emosyon nang makuha ang perang matagal din niyang hinintay. Ayon sa post, mula raw sa Dumanjug, Cebu Province ang emosyonal na lola.

Marami ang naantig sa matandang sinasabing nakitaan nila ng tunay na kaligayahan sa pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan. Dahil dito, umabot na sa 27,000 reactions, 1,000 comments, at 17,000 shares ang nakuha ng post; wala pang isang araw na naka-upload.

Ayon sa mga netizens, deserve daw ng matanda ang biyayang natanggap. Batid raw nilang sa emosyong ipinakita nito ay mapupunta sa mabuting kamay ang perang mula sa buwis ng taumbayan. Sana raw ay makatulong nang malaki ang ayuda para naman gumaan kahit papaano ang pamumuhay ni lola at kanyang pamilya sa panahon ng ECQ ngayong patuloy ang pagtaas ng C0VID-19 cases sa lalawigan ng Cebu.

Larawan mula sa PNA

Para naman sa ilan, nagdulot ng realisasyon ang matanda na ang perang ipinagsasawalang-bahala ng iba at ginagastos sa maling paraan ay isang malaking biyaya na pala sa iba. Dahil dito, sabi ng ilan ay mas pahahalagahan pa nila ang kanilang kita, gaano man ito kalaki o kaliit.

Abril 30 ang itinakdang pagtatapos ng pamamahagi ng SAP sa mga Pilipino para sa unang buhos. Gayunman, hindi lahat ay nakapagbigay ng ayuda batay sa itinakdang panahon ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaya naman pinag-aaralan na ngayong i-extenda pa ang pamamahagi nito.

Loading…