Mag-asawa nag-bisikleta mula Cavite hanggang QC para muling makapiling ang anak

Imahe mula sa GMA News
  • Mula Cavite ay nag-bisikleta ang isang mag-asawa patungong Quezon City upang muling makasama ang nag-iisang anak
  • Simula kasi nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon ay sa video call na lamang nila nakakausap ang tatlong taong gulang na si Matt Matt
  • Agad namang napawi ang kanilang pagod nang makarating sa kanilang tahanan sa QC at masilayan ang anak

Upang muling makasama ang kanilang anak na hindi nila nakapiling mula nang isailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon noong Marso ay nag-bisikleta ang mag-asawa mula Bacoor, Cavite patungong Bagong Silangan, Quezon City.

Imahe mula sa GMA News

Naiwan ang kanilang tatlong taong gulang na anak na si Matt Matt sa kaniyang lolo at lola sa QC habang ang mag-asawang sina Mhelsa at Bernard Romana naman ay nasa Cavite.

Kuwento ni Mhelsa sa GMA News, 4 a.m. pa lang ay umalis na sila ng asawang si Bernard sa Cavite. Mahigit 40 kilometro rin ang kailangan nilang ipadyak kaya naman nakaisip ng paraan si Bernard upang hindi mahirapan ang asawa.

Naglagay sila ng tali na magkokonekta sa kanilang bike upang mahila ni Bernard ang kaniyang asawa. “Kawawa naman yung asawa ko [pero] ganoon talaga,” sabi niya sa panayam.

Imahe mula sa GMA News

Na-flat pa ang gulong ni Bernard kaya naman isinakay na ng GMA News ang bike na ito at ang kaniyang asawa upang mas mapadali ang kanilang biyahe.

Agad namang napawi ang pagod nila sa apat na oras na paglalakbay nang muling masilayan ang kanilang unico hijo. Pagkarating sa bahay ay nag-disinfect sila at saka salitang kinarga at niyakap ang kanilang anak. Ani Mhelsa, kahit pa nakakausap niya sa pamamagitan ng video call si Matt Matt ay nangungulila pa rin siya rito.

“Sobrang nakaka-miss po talaga kahit nakikita mo sa video. Iba pag nakakasama mo talaga siya,” ani Mhelsa.

Tunay ngang lahat ay gagawin ng mga magulang para sa kanilang anak.

Source :

GMA News, YouTube

Loading…