Mag-inang tarsier na natagpuan sa Cotabato naibalik na sa kanilang natural habitat

  • Dalawang tarsier na pinaniniwalaang mag-ina ang natagpuan sa bayan ng Aleosan sa Cotabato
  • Natagpuan ng mag-asawang residente ang mga tarsier sa isang puno at inuwi sa bahay nila
  • Ipinagbigay-alam ng mag-asawa sa LGU ang nahuling tarsier at muling naibalik sa kanilang natural habitat

Dalawang tarsier na pinaniniwalaang mag-ina ang na-rescue at naibalik na sa kanilang natural habitat sa isang bayan sa Cotabato.

Imahe mula sa Pixabay

Ang mga tarsier, isa sa pinakamaliliit na primates sa buong mundo, ay natagpuan ng mag-asawang residente ng Sitio Simsiman, Brgy. Tomado sa bayan ng Aleosan. Naglalakad umano ang mag-asawa sa gilid ng isang creek nang makita nila ang mga ito sa puno.

Sa tuwa na makakita ng tarsier ay kinuha ng mag-asawa ang mga ito at inuwi sa bahay nila.

Ngunit minabuti nilang ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang tungkol sa mag-inang tarsier dahil hindi nila alam kung paano aalagaan ang mga iyon. Ipinost nila sa social media ang larawan ng maliit na primates.

Nang makita ni Community Environment and Natural Resources Officer Badjury Mustapha sa social media ang larawan ng mag-inang tarsier ay agad niyang inutusan ang Quick Response Team (QRT) na beripikahin ang social media post.

Noong Sabado, ika-2 ng Mayo, ay nagtungo ang QRT sa pangunguna ni Forester Nor-hassan R. Batugan sa lugar kung saan natagpuan ang mga tarsiers at napag-alaman nila na na-rescue na ang mga ito ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Aleosan at naibalik na sa kanilang natural habitat.

Imahe mula sa DENR XII

Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office ng Aleosan, ang adult tarsier na nakuha ng residente ay may sukat na 32 centimeters mula ulo hanggang buntot at ang juvenile tarsier naman ay may habang 20 centimeters.

Kasunod ng pagkakatagpo sa mga tarsier sa kanilang komunidad, plano ng Aleosan local government unit (LGU) na ideklara ang kanilang bayan bilang isang wildlife sanctuary.

Pinuri ni Mustapha ang ginawa ng Aleosan LGU. Nanawagan din siya sa publiko na huwag sasaktan o huhulihin ang anumang uri ng wildlife species, lalo na kung nasa magandang kondisyon ang mga ito, at hayaang mamuhay sa kanilang natural habitat.

Imahe mula sa DENR XII
Source :

PNA, Facebook

Loading…