Magkakaibigang construction worker, janitor dumiskarte sa pagtitinda ng lumpia, turon

Imahe mula sa Facebook | Susan Isorena-Arcega
  • Marami ang humanga sa magkakaibigang trabahante na stranded ngayon sa Makati dahil sa lockdown
  • Dahil walang aasahang ayuda ay naglalako sila ng turon at lumpia sa umaga at nagtitinda naman ng isaw sa hapon
  • Bumuhos ang tulong para sa kanila nang ibahagi ng isang netizen ang kanilang kuwento sa Facebook

Upang patuloy na kumita sa gitna ng umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) ay naisip ng magkakaibigang construction workers at janitor na maglako ng turon at lumpia sa umaga at magtinda ng isaw sa hapon.

Imahe mula sa Facebook | Susan Isorena-Arcega

Marami ang humanga nang ibahagi ng netizen na si Susan Isorena-Arcega ang kuwento ng magkakaibigan na sina Prak Joseph Serrano, Ariel Gakit, Justin Ganza, at Vincent Demafiles na kapwa mga naabutan ng lockdown sa Makati.

Magkakasama sila ngayon sa isang maliit na kwarto kabilang ang apat na iba pa at ang asawa ni Justin.

Ani Arcega, sa umaga ay gumagawa sila ng 65 pirasong turon at 60 pirasong lumpiang togue. Sa hapon naman ay isaw ang kanilang ibinebenta. Kumikita ang magkakaibigan ng P1,200 araw araw — P700 ang ibinabalik puhunan nila, P200 ang inilalaan na pambili ng gas, at P300 ang inilalaan sa pagkain.

“Dumidiskarte lang, Nay. kasi po hindi kami entitled sa anumang ayuda. Hindi po kami puwedeng umasa sa wala,” paliwanag ng isa.

Imahe mula sa Facebook | Susan Isorena-Arcega

Nagpasalamat naman si Arcega dahil mula nang ibahagi niya ang kuwento ng tinawag niyang TL boys ng Guadalupe Viejo ay marami na ang nag-abot sa kanila ng biyaya.

Bukod sa mabilis na nauubos ang kanilang paninda ay marami rin ang nag-aabot sa kanila ng pagkain kagaya ng mga tray ng itlog at noodles. Maging kalan para sa kanilang pagluluto at Micro Savings accounts sa Cebuana Lhuillier ay natanggap din nila.

Bilang pagpapakita ng kanilang pasasalamat ay namigay sila ng libreng lumpia at turon sa mga nangangailangang residente.

God bless, TL boys! Salamat, Ma’am Susan, sa pagbabahagi ng kanilang istorya!

Loading…