Mahika ng may pinopormahan: Blue Magic stuffed toys, sikreto ng mga estudyante sa haiskul sa panliligaw

  • Isa raw sa mga sikreto ng mga lalaking nanliligaw noong haiskul ay ang pagbibigay ng stuffed toys
  • At kapag stuffed toys ang usapan, marami ang nagbigay at nakatanggap na ng mula sa brand na Blue Magic
  • Kanya-kanyang bahagi naman ang mga netizens ng kanilang alaala sa masasabing iconic na regalo

May kasabihan na ang buhay sa haiskul ang pinakamasarap sa landas na tatahakin ng mga mag-aaral. Dito raw kasi nararanasan ng mga dating totoy at nene ang totoong mundo kabilang na ang maramdaman ang unang pag-ibig o paghanga sa isang kakilala.

Bagaman maraming magulang ang ayaw pang magkaroon ng karelasyon ang kanilang mga anak sa murang edad, ang totoo ay sa haiskul nag-uumpisa ang pagtuklas ng mga kabataan sa konsepto ng pag-ibig, at ang iba ay natututo nang manligaw at nagkakaroon na ng karelasyon.

Larawan mula sa Facebook page na Zreal Videos

At para sa mga nakaranas ng pag-ibig noong haiskul, lalo na sa mga lalaking nanligaw sa kanilang napupusuan, paniguradong mayroong mga regalong ibinigay ang mga ito upang mapasagot ang sinisinta. Sa isang post, binalikan ng ilang netizens ang sikreto raw ng mga boys para mapa-oo ang mga nililigawan.

Ibinahagi ng Facebook page na Zreal Vids ang larawan ng sigurado raw na nagpapasagot sa mga nililigawan noon — ang Blue Magic stuffed toys. Kilalang tindahan ng mga cute na stuffed toys ang Blue Magic. Dahil sa ganda ng mga items dito, talaga namang huli nito ang kiliti ng mga babae.

Idagdag pa ang magandang packaging o paper bag nito na nagsisilbi na ring pambalot ng mismong regalo. Karaniwang blue o pula ang makintab at makulay nitong paper bag. Kapag may bitbit na ganito ang isang lalaki, tiyak na mayroon itong pinopormahan sa eskwela na kadalasang ibinibigay kapag Christmas party.

Para naman sa mga babaeng sinusuyo, kapag nabigyan ka na ng Blue Magic ay siguradong instant sikat na, bukod pa sa pakiramdam ng kilig. Marami nga sa mga babaeng nagkomento sa post ay nakaipon ng mga Blue Magic stuffed toys dahil sa mga dumaang manliligaw sa kanila.

Larawan mula sa Facebook

Maraming dating estudyante sa haiskul ang naka-relate sa post kaya naman agad itong umani ng 10,000 reactions, 6,000 comments, at 20,000 shares ilang araw matapos maibahagi sa social media. Kanya-kanya silang bahagi ng kanilang karanasan.

Talaga naman daw pinag-iipunan ng mga boys ang kanilang pambili ng Blue Magic. Todo ipon daw sila sa kanilang baon at didiretso sa mall. Kahit daw napasagot na nila ang babae, sa kanilang monthsary at anniversary ay Blue Magic pa rin ang kanilang pang-surpresa.

Ikaw, nagbigay o nakatanggap ka ba ng Blue Magic stuffed toys noong haiskul?

Loading…