Maj. Gen. Sinas hindi aalisin sa puwesto habang iniimbestigahan ang kontrobersyal na “mañanita” – IAS

  • Hindi aalisin sa puwesto si Sinas habang iniimbestigahan ang kontrobersyal nitong birthday celebration, ayon sa IAS
  • Magsasagawa rin ng pag-iimbestiga ang mga civilian lawyers upang matiyak ang “fairness” ng imbestigasyon
  • Posibleng masampahan ng kaso si Sinas at iba pa kapag napatunayang may nilabag silang quarantine protocols sa pagdaraos ng pagtitipon

Hindi aalisin sa puwesto si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas habang iniimbestigahan ang kontrobersyal niyang birthday celebration sa posibleng paglabag sa quarantine protocols, ayon sa Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Ipinahayag ni IAS Inspector General Attorney Alfegar Triambulo na maganda naman ang performance ni Sinas bilang pinuno ng NCRPO. Pinapurihan din niya ang mga NCRPO personnel sa ginagawa nilang mga hakbang upang tulungan ang pamahalan na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

“Hindi natin gagawin ‘yun kasi maganda naman ‘yung performance nila, kaya sinasabi ko very delicate matters ito kaya nandoon ako, kasi kung magkamali tayo dito ay baka ang talo dito ‘yung taumbayan,” sabi ni Atty. Triambulo.

“Ito ‘yung mga tao na nagpatupad noong pressure ng gobyerno para labanan ‘yung COVID at maganda naman. Hindi naman natin maikakaila na maganda performance nila,” sabi pa niya.

Magsasagawa rin ng pag-iimbestiga ang mga civilian lawyers upang matiyak ang “fairness” ng imbestigasyon, ani Triambulo.

Titingnan din ng IAS team kung may pagkukulang ang mga police officers na dumalo sa kaarawan ni Sinas at kung may mga bagay na dapat itama, lalo na’t nasa gitna ng COVID-19 crisis ang bansa.

Imahe mula sa InterAksyon

“Mayroon bang dapat i-correct para hindi maulit kasi nasa krisis tayo para maiwasan sa ibang mga lugar, sa mga kampo na magkakaroon ng ganitong insidente. ‘Yung pangalawa, ‘yung individual liability kasi maraming involved dito. ‘Yung degree ng kanilang responsibility, hindi pareho. Kapag may insidente, may violation na maraming participants, iba-iba ang liability niyan. Hindi pare-pareho,” paliwanag niya.

Susuriin din ng IAS ang mga larawang kumalat sa social media upang alamin kung totoo nga na edited ang iba doon kagaya ng sinasabi ni Sinas.

Binalaan ni Triambulo si Sinas at ang mga police officers na dumalo sa selebrasyon na posible silang maharap sa mga reklamo at kaso kapag napatunayang may nilabag silang quarantine protocols sa pagdaraos ng pagtitipon.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Loading…