Mala-Fiesta sa dami ng tao: SAP distribution sa GenSan nagmistulang selebrasyon

  • Nagmistulang piyesta ang pamamahagi ng ayuda sa General Santos City
  • Ayon sa netizens, nahuli daw ang pagdating ng mamamahagi ng tulong sa takdang oras
  • Umani ng pagbatikos ang pangyayaring ito

Trending sa social media ang dagsaan ng mamamayan noong Biyernes para makakuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Image by Brigada News GenSan via Facebook

Ang SAP ay ang subsidiyang ipinamamahagi ng pamahalaan sa pamilyang Pilipino partikular sa mga lubhang apektado ng quarantine na ipinapatupad para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19.

Sa larawang ibinahagi ng Brigada News Gensan sa Facebook, makikita na nagmistulang may magarbong selebrasyon sa Fatima National High School na matatagpuan sa Brgy. Fatima, General Santos City, South Cotabato.

Halos magkakadikit na ang mga nakapila para sa SAP na taliwas sa ipinapatupad na social distancing.

Komento ng ilang netizen, kaya raw inabot ng ganon ay dahil sa naka-schedule na alas-otso ang pagsisimula ng pamimigay ng ayuda pero alas-12 na ng tanghali dumating ang mga taga-DSWD na siyang mamamahagi ng tulong.

Nabanggit din ng ilan na higit 8,500 ang nakalistang makakakuha ng pera sa paaralan at marami ay naroon na alas-singko pa lamang ng umaga.

Umani na ito ng higit 1,900 reaksyon at nasa 2,600 pagbabahagi habang ipino-post ito. Marami ang bumatikos sa pangyayaring ito.

Sabi ng isa, “Kung ibinahay-bahay na lamang para hindi dagsaan ang mga tao. Maghintay na lamang ang mga pamilya sa kanilang tahanan hanggang sa makarating ang ayuda.”

Image by Brigada News GenSan via Facebook

Ani naman ng isa pa, “Bakit hindi sila nag-aalala na kumalat ang virus? Mas gusto nilang kumalat pa dahil patuloy na binibigyan sila ng pera kahit wala na sa ayos ang pila. ‘Yung mga tao naman nagsisiksikan, parang mauubusan ng pera.”

May mga nagsabi namang dapat may coding o ‘di kaya’y hinati ang venue na pagbibigyan para hindi siksikan.

Imahe mula sa Bombo Radyo
Source :

Facebook

Loading…