Mali kahit saang anggulo tingnan: NCRPO chief Sinas, mga dumalo sa salo-salo dapat parusahan – Senators

  • Ilang senador naglabas ng saloobin sa paglabag ni Maj. Gen. Sinas sa quarantine protocols
  • Dapat umanong sampahan ng kaso ang lahat ng dumalo sa salo-salo sa kaarawan ni Sinas
  • Nawawala ang tiwala ng mga tao sa COVID-19 task force dahil sa paglabag ng mga law enforcers sa ipinatutupad na quarantine rules

Marami umanong nalabag sa quarantine protocols ang ginanap na “mañanita” sa kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas, kabilang ang social distancing at mass gathering sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

Ayon kay Secretary Eduardo Año, ang mañanita ay tradisyon sa militar at kapulisan na kapag kaarawan ng commander ay binabati ng happy birthday sa umaga. Sa mga larawang ibinahagi ng PIO NCRPO, makikita si Sinas at iba pa na magkakahalubilo sa ilang round tables para sa isang salo-salo.

Sinabi ni Senator Francis Pangilinan na dapat sampahan ng kaso ang lahat ng dumalo sa salo-salo sa kaarawan ni Sinas katulad ng libo-libong mamamayan na ikinulong dahil sa quarantine violations.

“Kung may paglabag, dapat kasuhan. Habang nagtitiis ang milyon nating mga kababayan na sumunod sa quarantine at inaaresto, kinakasuhan at kinukulong ang libu-libo, heto na lang si Sinas, at iba pang matataas na opisyal na hinahayaan ng gobyernong lumabag sa quarantine na walang parusa. Maling mali,” aniya.

“Kung seryoso sila sa pagpapatupad ng batas sa lahat, dapat sampahan ng kasong paglabag sa batas ang mga ‘yan at ikulong kasama ang libu-libo na kinulong nila dahil sa quarantine violations,” dagdag pa ni Sen. Pangilinan.

Imahe mula sa Politiko

Sinabi naman ni Senator Tito Sotto na “very bad signal” ang hatid sa publiko ng naturang salo-salo. Dapat umanong kastiguhin ang dapat kastiguhin.

“It sends a very bag signal. At least a reprimand is in order. Walang matutuwa sa mga kababayan natin ‘yung ganung nakikita. Kapag karaniwan na tao, huhulihin, ‘pagka opisyal ang gumawa, eh p’wede,” aniya.

“As I said, meron silang mga sariling rules at procedures, I think it wouldn’t be far-fetched if an administrative case is filed against the erring official. So, mabibigyan ng pagkakataon mag-eksplika or mabibigyan ng pagkakataon ang ehekutibo na kastiguhin ang dapat kastiguhin,” dagdag pa ni Sen. Sotto.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

Kahit saan anggulo tingnan ay maling-mali ang ginawa nina Sinas, ayon naman kay Senator Panfilo Lacson. Samantalang sinabi naman ni Senator Franklin Drilon na gumuguho ang tiwala ng publiko sa COVID-19 task force dahil sa mga ginagawang pang-aabuso ng mga law enforcers.

Sa ilalim ng umiiral na ECQ, ang lahat ng uri ng pagtitipon ay ipinagbabawal at ang social distancing ay mahigpit na ipinatutupad upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Loading…