Mall security guard hinangaan sa pagsauli ng napulot na wallet na may lamang mahigit P36,000

  • Hinangaan ang pagiging tapat ng isang mall security officer ng SM Center Pulilan
  • Napulot ng guwardya ang isang pitaka na naglalaman ng mahigit P36,000
  • Hindi sumagi sa isipan ng guwardya na ibulsa ang pera at agad ipinagbigay-alam sa Customer Relations Service ng mall ang napulot na pitaka upang maisauli sa may-ari

Hinangaan ang isang mall security guard sa ipinakita nitong integridad at katapatan nang hindi niya pag-interesan ang napulot na pitaka ng isang customer na naglalaman ng malaking halaga ng pera. Ang tapat na guwardya ay kinilalang si Security Officer Reynold Gumarang na nakatalagang magbantay sa paligid ng SM Center Pulilan sa Bulacan.

Imahe mula sa SM Supermalls

Papasok umano si Gumarang sa loob ng mall nang natanaw niya ang pitaka na naiwan sa isang upuan na ginagamit na hintayan ng mga customer ng SM Hypermarket. Naglalaman iyon ng cash na nagkakahalaga ng P36,413.

Hindi nagdalawang-isip, agad na dinala ni Gumarang ang napulot na pitaka sa Customer Relations Office ng shopping mall upang maisauli sa may-ari.

Hindi naman nagtagal ay naibalik ang pitaka sa may-ari nito na si Girlie Garcia na nakahinga nang maluwag matapos maisauli iyon sa kanya. Taos-puso siyang nagpasalamat kay Gumarang at sa isa pang kawani ng SM Center Pulilan na si Mariane Eusebio Salunga.

Hiniling ni Garcia na makunan ng litrato ang security officer. Ibinahagi niya sa social media ang larawan ni Gumarang habang isinasauli sa kanya ang pitaka.

“Really wanna say super thank you to SO Reynaldo Gumarang and Ms. Mariane Eusebio Salunga of SM Pulilan for your good deeds, God bless you po…,” post ni Garcia sa Facebook.

Imahe mula sa Facebook account ni Girlie Garcia

Ayon naman kay Gumarang, hindi sumagi sa isipan niya na ibulsa ang malaking halagang napulot. Aniya, masaya na siya na nagagampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin bilang security officer ng shopping mall.

Ilang netizens na nakabasa ng post ni Garcia ang pumuri sa katapatan ng guwardya. Sana raw ay dumami pa ang mga taong may mabubuting kalooban tulad niya.

Loading…