Mass hiring ng contact tracers iminungkahi ni Finance Sec. Dominguez

  • Iminungkahi ni Sec. Sonny Dominguez ang mass hiring ng contact tracers
  • Sinabi ng kalihim na aabot sa 1.5 million ang pansamantalang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic
  • Dapat umanong i-hire bilang contact tracers ang mga nawalan ng trabaho upang mapabilis ang pagkontrol sa health crisis

Malaking dagok sa ekonomiya ng bansa ang umiiral na COVID-19 pandemic. Maraming mga negosyo ang tumigil sa operasyon na nagresulta sa pagkawala ng hanapbuhay ng milyun-milyong mga mamamayan.

Imahe mula sa DOF

Sa pinakahuling announcement ng pamahalaan, ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na dahan-dahan ang gagawing pagbubukas ng ekonomiya upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.

Simula sa ika-16 ng Mayo, ang Metro Manila, Laguna at Cebu ay isasailalim sa modified enhanced community quarantine na ang ibig sabihin ay papayagan nang magbukas ang piling industriya subalit hanggang 50% lang ang kapasidad nito. Limitado lang ang mga manggagawang maaaring bumalik sa trabaho.

Sabi ni Department of Finance Secretary Sonny Dominguez, upang muling sumigla ang ekonomiya ay dapat mabigyan ng trabaho ang mga nawalan ng trabaho upang magkaroon sila ng pambili ng kanilang mga pangangailangan.

“Our real problem is that the people are not buying things because their incomes have gone down. We must provide them the means of buying things. If they’re not buying things it’s useless to stimulate the companies,” ayon sa kalihim.

Aniya, aabot sa mahigit isa’t kalahating milyon ang pansamantalang nawalan ng trabaho. Iminungkahi niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na kunin ang mga ito bilang contact tracers. Bukod sa mapapabilis na ang ginagawang pagsugpo sa krisis ay mabibigyan pa ng hanapbuhay ang mga tao.

Imahe mula sa PNA

“You know we lost about 1.2 to 1.5 million jobs, temporarily lost but if we hire these guys to do contact tracing which we are having a hard time, I think we can provide good jobs to people,” paliwanag ni Dominguez.

“Sometimes, it takes one contact tracer one whole day to do contact tracing for one case, so we need to hire more contact tracers to match the numbers we expect that will come with more testing,” sabi pa niya.

Kung sakaling makontrol na ang health crisis, iminungkahi rin ng kalihim ang muling pagsisimula at pagpapabilis sa “Build, Build, Build Program” ng pamahalaan dahil ito raw ang may pinakamagandang multiplier effect kung employment ang pag-uusapan.

Imahe mula sa Build PH

Loading…