Matapos mabatikos sa pamimigay ng makeup kit sa frontliners, Ara Mina, namigay ng bigas sa QC, Laguna, Rizal

  • Namigay ng napakaraming bigas ang aktres na si Ara Mina para sa mga taga-Quezon City, Rizal, Pampanga, at Laguna
  • Ito ay sa kabila ng kinaharap niyang batikos nang mamigay ng makeup kits para sa mga frontliners
  • Ayon kay Ara, walang makapipigil sa kanya sa pagbibigay ng tulong lalo na sa panahon ng krisis

Noong nakaraang buwan, mayroong mga bumatikos sa aktres na si Ara Mina dahil sa pamimigay ng makeup kit sa mga frontliners. Sabi ng ilang netizen, hindi naman daw kailangan ng mga health workers ang pampaganda.

Iginiit naman ni Ara na ang ibinigay niyang makeup kit mula sa kanyang sariling negosyo na Ara Colours PH at Ara’s Secret ay may kasama namang pagkain at facemasks. Additional nga lang daw itong mga pampaganda para naman mapangiti ang mga frontliners.

Larawan mula sa Instagram account ni Ara Mina

Ngunit kahit nabatikos, hindi mapipigilan si Ara sa pamimigay ng tulong sa mga kababayan niyang nangangailangan. Ibinahagi ng aktres sa kanyang Instagram post ang truck ng bigas na ibinahagi nila sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Ayon kay Ara, katuwang niya ang isang pangkat na tinatawag na #TeamDARVE, inihatid nila ang sako-sakong bigas sa ilang lugar sa Quezon City, Rizal, Caloocan City, Laguna, at Angeles, Pampanga. Ipamimigay daw ang mga bigas sa mga residenteng naapektuhan ng umiiral na quarantine.

“On the 4th week of ECQ, our #TEAMDARVE donated a truckload of rice to those severely affected by the pandemic in the province of Laguna, Quezon City, Rizal, Caloocan, and Angeles, Pampanga. Ang munting tulong na ito ng aming #TEAMDARVE ay sana malayo ang marating,” saad ni Ara sa kanyang post.

Nagpasalamat din si Ara sa mga local government officials at volunteers na nakiisa sa kanilang kawanggawa. Sinabi rin ni Ara na kaya raw nating lagpasan ang anumang pagsubok basta raw ay magkakaiisa ang bawat Pilipino.

Larawan mula sa Instagram account ni Ara Mina

Tuloy-tuloy din ang proeykto ni Ara na pamimigay ng ayuda para sa mga frontliners. Nakikiisa rin si Ara sa iba’t ibang organisasyon na tumutulong sa iba pa nating mga kababayan tulad ng mga senior citizen.

Personal ding inihahatid ni Ara ang mga tulong sa ilang lugar na ibinabahagi niya naman sa kanyang Instagram account. Sa kabila nito, abala rin si Ara sa mga orders sa kanyang isa pang negosyo, ang Hazel Berry bakeshop.

Loading…