Metro Manila, Laguna at Cebu City isasailalim sa modified ECQ simula May 16 hanggang May 31

  • Isasailalim sa MECQ ang Metro Manila, Laguna at Cebu City
  • Sa ilalim ng MECQ, ilang piling industriya ang papayagang magbukas subalit hanggang 50 percent lang ng capacity
  • Ang MECQ ay paiiralin mula May 16 hanggang May 31, 2020

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Laguna at ang Cebu City simula sa ika-16 ng Mayo hanggang ika-31 ng Mayo.

Imahe mula sa The Filipino Times

Sa ilalim ng MECQ, ilang piling industriya ang papayagang magbukas subalit hanggang 50 percent lang ng capacity. Kasalukuyan pa umanong isinasapinal kung aling industriya ang maaaring mag-operate. Binigyang-diin ni Roque na ang anumang desisyon ay ibinatay sa siyensya at walang halong politika.

Sa Miyerkules, ika-13 ng Mayo, raw ipababatid kung ano-anong industriya ang puwede nang magbukas.

“Ang modified po na ECQ is ECQ kaya lang may ilang industriya na bubuksan hanggang 50 porsiyento at mayroon pa rin ilang zona, mga barangay, o grupo ng mga barangay na mananatili pa rin sa ECQ,” sabi ni Roque sa isinagawang press briefing sa Malacañang Palace.

“Bubuksan po natin unti-unti ang ekonomiya. Magkakaroon po ng operasyon ang piling manufacturing and processing plants up to a maximum of 50%. Hinay-hinay, dahan-dahan, unti-unti po ang ating pagbukas ng ating ekonomiya,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa PCOO

Ang mga local government officials umano ang magdedesisyon kung aling barangay ang mananatili pa rin sa mas mahigpit na ECQ.

Ang transportasyon sa ilalim ng MECQ ay limitado lang para sa pagde-deliver ng essential goods and services. Ang physical classes sa mga paaralan ay suspendido pa rin.

Samantala, ang mga sumusunod na rehiyon ay isinailalim na sa general community quarantine: Region II, Region III, Region IV-A except Laguna, CAR, Region VII except Cebu City, Region IX, Region XI, Region XIII (CARAGA).

Nagbabala si Roque na ang banta ng COVID-19 ay nananatili pa rin sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.

Screenshot mula sa PTV video

“Kaya kinakailangan pong mag-ingat tayo dahil ang ibig sabihin lang ng pagbaba ng ECQ sa GCQ – mayroon pa rin pong banta hindi lang ganoon katindi – pero kapag binaba po sa GCQ, iyan po ay critical pa rin ang ating sitwasyon,” aniya.

Pinaalala pa ni Roque na hangga’t wala pang bakuna at lunas sa COVID-19 ay hindi maaaring bumalik sa normal ang lahat. Aniya, huwag magbulag-bulagan upang hindi mapahamak.

Loading…