Metro Manila mayors irerekomenda ang panibagong 15-day ECQ extension

  • Nais ng mga Metro Manila mayors na palawigin pa ng panibagong 15 days ang ECQ
  • Sa pamamgitan ng isang resolution ay pormal na irerekomenda ng mga mayor ang 15 days ECQ extension
  • Nilinaw ng mga mayor na ang IATF pa rin ang magdedesisyon kung palalawigin pa o aalisin na ang ECQ

Sa susunod na linggo o sa ika-15 ng Mayo ay matatapos na ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa. Pinag-aaralan na ng pamahalaan kung tuluyan nang aaalisin ang ECQ at ilagay ang bansa sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Imahe mula sa PIA

Nauna nang nabanggit ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na posibleng ilagay sa GCQ ang ibang lugar sa Metro Manila habang ang iba ay mananatili sa ilalim ng ECQ.

Ngunit ang Metro Manila Council (MMC) na kinabibilangan ng lahat ng mayor sa buong Metro Manila ay may planong irekomenda sa gobyerno ang panibagong 15-day extension ng ECQ.

Sa isang panayam, sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ang chairman ng MMC, na gagawin nilang pormal ang kanilang rekomendasyon sa pamamagitan ng isang resolusyon pagkatapos ng isasagawang virtual meeting sa Sabado, ika-9 ng Mayo.

“Most likely ‘yun ang tinitignan natin, ‘yung magkaroon ng another 15 days extension,” sabi ni Mayor Olivarez na binigyang-diin pa na ang panibagong extension ng ECQ ay kinakailangan upang maiwasan ang ikalawang bugso o 2nd wave ng COVID-19 infections sa bansa.

Screenshot mula sa GMA video

Pabor umano ang mga mayor sa Metro-wide ECQ extension sa dahilang “very interconnected” umano ang mga siyudad at munisipalidad ng Metro Manila.

“Tulad sa amin sa Paranaque, meron kaming mga residente na nagtatrabaho sa Makati. Kung ang Makati ay GCQ, kami ay ECQ, paano sila makakalagpas papunta dun sa boundary namin?” tanong ni Mayor Olivarez.

Aminado naman si Olivarez na nakasalalay sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang desisyon kung palalawigin pa o aalisin na ang umiiral na ECQ.

“Ang nagdi-decide ay IATF. Ang Metro Manila Council ay recommendatory lang po,” paglilinaw ni Mayor Olivarez.

Imahe mula sa PCOO

Tiniyak naman ni Presidential Spokesman at tagapagsalita ng IATF na si Harry Roque na titingnan nila ang rekomendasyon ng MMC.

Ang magiging desisyon umano ng pamahalaan sa pag-lift ng ECQ ay nakabase sa siyensya – sa pagbilis ng pagkalat ng COVID-19 at sa kakayahan ng pamahalaan na magbigay ng critical care.

Loading…