Mga Disney characters na nakabihis ng kasuotang Pilipino, SHS na mag–aaral ang nagdisenyo

  • Nakita mo na bang nakabihis ng kasuotang Pilipino ang mga Disney characters?
  • Iyan ang nilikha ng isang Senior High School graduate student 
  • Nais daw niyang ipakita at itampok kung gaano kayaman at kaganda ang ating kalinangan o kultura

Kinatuwaan ng mga netizens ang makabagong likhang–sining ng isang Senior High School graduate student matapos niyang bihisan ng kasuotang Pilipino ang ilang mga sikat na “Disney characters” sa pamamagitan ng digital arts.

Makikita sa Facebook post ni John Cedrhick Fajardo, 17 taong gulang at graduate ng TVL–Animation sa Senior High School, ang kaniyang mga ginawang makabagong likhang–sining sa pamamagitan lamang ng kaniyang mobile phone, sa tulong naman ng Autodesk Sketchbook application.

Imahe mula sa Facebook account ni John Cedrhick Fajardo

Ilan sa mga sikat na Disney characters na sinuotan niya ng Filipiniana ay sina Cinderella at Prince Charming (1950 version), Pocahontas (1995), Tarzan at Jane (1999), Aurora at Prince Philip ng “Sleeping Beauty” (1959), Mulan (1998), at Tiana at Prince Naveen ng “The Princess and the Frog” (2009).

Syempre, hindi rin mawawala si Snow White (1937), Aladdin at Princess Jasmine (1992), Hercules (1997), Belle ng “Beauty and the Beast” (1991), at Ariel at Prince Eric ng “The Little Mermaid” (1989).

Umani naman ito ng paghanga mula sa mga netizens.

“Disney should make a Filipina Princess to show our own culture. Maria Makiling or other folk stories would be perfect!” mungkahi ng isa.

Turan naman ng isa, “Napakahusay! Lahat sila ay bahagi ng kabataan ko. Manatili sanang nakatapak ang iyong mga paa sa lupa ha. Gabayan ka ng Diyos at ipagpatuloy ang pagpapamalas ng iyong kabilib–bilib na talento.”

“Mesmerizing composition to our local fashion as a rendition to our childhood tales. Kudos!” papuri naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni John Cedrhick Fajardo

Ayon kay John Cedrhick, libangan niya talaga ang pagguhit, mapa–tradisyonal o digital man ang midyum. Ginagawa na niya ito simula noong siya ay 12 taong gulang pa lamang.

“I did the artworks to show how rich and beautiful our culture and tradition is,” saad ng digital artist.

Itinuturing na pambansang kasuotan ng mga Pilipino ang barong Tagalog para sa kalalakihan at baro’t saya naman para sa kababaihan, bagama’t may natatanging mga kasuotan ang bawat pangkat–etniko sa bansa, na naglalarawan ng kanilang mayamang kalinangan at kasaysayan.

Imahe mula sa Facebook account ni John Cedrhick Fajardo

Loading…