Mga netizens, nagbigay ng reaksyon sa “Philippines, Province of China” sa location check–ins ng FB at IG

  • Nagulat ang mga Facebook at Instagram users sa kanilang natuklasan
  • May option kasing “Philippines, Province of China” sa location check–ins ng dalawang social media platforms
  • Nagbigay naman ng samu’t saring reaksyon at komento rito ang mga netizens

Nagpuyos ang kalooban ng mga netizens ng mapag–alamang may option na “Philippines, Province of China” sa location check–ins ng mga social media platforms na Facebook at Instagram, na natuklasan nitong Mayo 15, 2020 ng ilang mga social media users.

Paliwanag ng Facebook page ng Daily Guardian, “These options become available through the Geotagging. Geotagging is the process of adding geographical identification metadata to various media such as a geotagged photograph or video, websites, SMS messages, QR Codes or RSS feeds and is a form of geospatial metadata.”

Imahe mula sa Facebook at Instagram

Marami naman sa mga netizens ang hindi natuwa sa naturang pangyayari. Ito raw ay harap–harapang pambabastos sa soberanya ng bansa, lalo pa’t matunog na usapin ngayon ang tila pakikipaglapit ng pamahalaan ng Pilipinas sa pamahalaan ng China. Espekulasyon ng ilan, mga Pilipino ring “walang magawa” o naglalayong mang–inis ang may pakana nito. At ang mas ikinaiinis pa, may nakalagay pa ritong “Just for Fun”.

Samantala, may ilan namang nagsabing maaaring pakana umano ito ng mga galit sa pamahalaan, upang lalong umigting ang kanilang damdamin laban dito.

“Malinaw na paninira sa gobyerno ng bansang Pilipinas ito, sana naman marunong tayong magbasa at mag–research muna kung totoo bago magbigay ng comment na masama,” panawagan ng isa.

Sabi naman ng isa, “I think it was created by a netizen who is a Facebook user, anybody can create that… I can create Philippines, State of USA, if I want to.”

“I know this is not as big as what others may think. But to think of it, yung una may kanta then now may geotagging naman. I know may propaganda diyan… probably gawa–gawa lang ng iilang tao. But I felt it’s like testing the waters…experiment wika nga kung ano ang magiging reaction ng tao,” turan ng isa.

Imahe mula sa Facebook / Public Domain Image

Sa pagpapatuloy pa niya, “Maliit man ito pero dapat na po nating itama ngayon pa lang at huwag hayaang lumaki pa at mag–cause ng misinformation, hindi lang dito sa atin but to the rest of the world. Pakita na natin yung pagtutol at i–report po natin. In our way maipapakita natin na hindi puwede yung ganito at tumututol tayo para matigil na yung mga ganitong gawa.”

Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros,  bagama’t sabi ng ilan ay biro lamang ito, nakagagalit pa ring pakinggan.

“Katunog siya ng mga mangingisda nating tinataboy mula sa sarili nating mga karagatan. Katunog siya ng propaganda ng ‘Wow China’ na ini-ere sa sarili nating radio station. Katunog din siya ng mga isla nating unti-unti nilang sinasakop,” ani senadora.

Ano nga ba ang layunin ng ganitong propaganda? Sino nga kaya ang nasa likod nito?

Loading…