Mga pari sa ibang bansa nagbebendisyon gamit ang isang uri ng laruan

  • Dalawang pari sa ibang bansa ang gumagamit ng laruang water pistol sa pagbebendisyon
  • Ito ay bilang pag–iingat na mahawa o makahawa ng COVID–19
  • Ang pagsunod sa social distancing ay mahalaga upang masawata ang paglaganap ng pandemya

Bilang pagtalima sa mga panuntunan ng Enhanced Community Quarantine, kabilang sa mga pansamantalang ipinatigil ang pagdaraos ng religious activities na kinakailangang daluhan sa isang lugar gaya ng simbahan, panambahan, templo, o mosque. Subalit hindi nito napigilan ang ilang mga relihiyon o sekta dahil nagkaroon sila ng mga online healing mass at iba pa.

Sa ibang bansa, kinatuwaan ang dalawang pari na gumagamit ng laruang “water pistol” upang makapagbendisyon lamang ng banal na tubig, bilang proteksyon sa mga mananampalatayang Katoliko. Walang makapipigil para sa mga alagad ng Diyos na makapagbigay ng basbas, na sumusunod pa rin naman sa social distancing.

Public Domain Image

Ang isa sa mga pari na si Father Humberto Alvarez ng bansang Mexico, 40 taong gulang, ay kilala sa kaniyang mga “bali” o kakaibang mga gawain sa tuwing Banal na Misa; bagay na kinatutuwaan naman ng mga nagsisimba, subalit binibigyan naman ng pagpuna mula sa mga kritiko.

Maliban sa paggamit ng water pistol sa pagbebendisyon, ang kaniyang sutana ay napapalamutian din ng fictional superheroes gaya nina Superman, Batman, at Spiderman.

Sa panayam sa kaniya, sinabi ni Father Alvarez na ginagamit lamang niya ang mga nakatutuwang bagay na ito na tinawag na “unorthodox masses” para sa mga bata; upang mahikayat pa ang mga ito na makinig sa mga katuruan ng Simbahang Katoliko, bagama’t marami sa mga nakatatanda ang hindi pabor o sang–ayon dito.

Sa Pilipinas, wala pa namang nagtatangkang gumawa nito. Matatandaang may isang pari noon na nasuspinde dahil sa paggamit ng hoverboard habang siya ay nagsasagawa ng Banal na Misa. Hindi ito nagustuhan ng mga naniniwala pa rin sa makaluma at sagradong paraan ng pagsasagawa ng mga sakramento ng simbahan.

Public Domain Image

Bagama’t nasa ilalim na ng General Community Quarantine ang marami sa mga lugar sa bansa, hindi pa rin pinapayagan ng pamahalaan ang pagdaraos ng mga religious gatherings upang matiyak na hindi maipalalaganap ang COVID–19.

Loading…