Mga staff ng sikat na fast food chain, tinulungan ang Grab rider na kinanselahan ng orders

  • May kuwento na naman ng isang Grab rider na kinanselahan ng mga orders ng customer
  • Ibinahagi ito ng service crew ng isang fast food chain kung saan namili ang Grab rider
  • Ibinalik nila rito ang perang ipinambili at ibinigay nang tuluyan ang mga inorder na “happy meals”

Sa panahon ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine, lalong lumakas ang demand sa pagpapa-deliver ng pagkain o iba pang mga produkto sa pamamagitan ng iba’t ibang apps, upang mapigilan na ang paglabas ng bahay. Isa sa mga patok ngayon ang “Grab Food delivery”.

Sa kasamaang–palad, marami sa kanila ang nabibiktima ng mga iresponsableng customers na bigla na lamang nagkakansela ng kanilang mga orders.

Iyan ang ibinahagi sa Facebook post ng isang service crew ng Jollibee Zapote branch na nagngangalang “Andeng Aquino” matapos magkansela ng mga orders ang customer ng isang Grab rider, na bumili naman ng mga happy meals sa kanilang branch.

Imahe mula sa Facebook account ni Andeng Aquino/Public Domain Image

Salaysay ng service crew, natapos na niyang ma–punch at nakabayad na ang Grab rider sa lahat ng kaniyang orders, at naisaayos na rin nila ito. Umabot ng halos P1,400 ang kabuuang presyo ng mga happy meals na nakatakda sanang i–deliver ng rider para sa kaniyang customer.

Maya–maya, nagulat na lamang ang service crew, gayundin ang mga managers on–duty, na nagkansela na raw ng mga orders ang customer ng naturang Grab rider, na isiniwalat naman ng isa pang Grab rider, sa mga staff ng Jollibee. Hindi umano maipinta ang mukha ng kaawa–awang Grab driver; lumalabas kasi na abonado pa siya sa mga binili niyang hindi niya alam kung kanino mapupunta.

Agad umano itong ipinagbigay–alam ng service crew na nag–asikaso sa Grab driver sa mga managers on–duty. Naawa sila sa sitwasyon nito, na naghahanapbuhay lamang naman. Nagdesisyon ang mga managers on-duty na i–refund sa Grab rider ang buong halaga ng ibinayad nito. Bukod doon, ibinigay na rin sa kaniya ang mga nauna na niyang inorder na happy meals.

May panawagan naman ang service crew sa wala umanong pusong customer na biglaang nagkansela ng kaniyang mga orders.

Imahe mula sa Facebook account ni Andeng Aquino/Public Domain Image

“Kung sino man yang umorder na yan kay Kuya Grab, God bless sa ‘yo! Hindi ko alam dahilan mo pero sana hindi mo pa rin ginawa… Sana naisip mo mararamdaman niya… Paano kung papunta na siya sa’yo tapos bigla mong kinansel order mo? Eh ‘di lalo siyang nahirapan? Maging aral sana sa’yo ito kung sino ka man,” aniya.

Pinasalamatan naman niya ang mga managers on–duty na hindi nagdalawang–isip na ibalik sa Grab rider ang pinambayad nito sa mga orders, at ibigay na nang tuluyan ang mga pagkain. “

“Flex ko lang din store namin, lalo na mga manager na naka–duty kanina. Hands-up!! Napaka-solid!”

Kudos sa pamunuan, staff at crew ng Jollibee Zapote sa kabutihan na iyong ibinigay. Pinatunayan ninyo ang inyong motto na “Bida ang Saya!” dahil masaya sa pakiramdam ang pagtulong sa kapwa.

Loading…