MMDA nag-set up ng bike lane sa EDSA para sa sa bagong traffic scheme sa ilalim ng “new normal”

  • MMDA naglagay ng bike lane sa kahabaan ng EDSA
  • Ang bike lane ay gagamitin sa dry run ng bagong traffic scheme sa EDSA bilang paghahanda sa “new normal”
  • Ipinaalala ng DOTr na hindi puwedeng mag-angkas sa motorsiklo at bisikleta

Naglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng bike lane sa EDSA para sa dry run ng bagong traffic scheme bilang paghahanda sa “new normal.”

Screenshot mula sa GMA video

Makikita ang mga kulay orange na traffic cones na inilatag ng MMDA sa kahabaan ng EDSA mula sa kanto ng White Plains Avenue hanggang sa kanto ng Boni Serrano bilang pananda sa bike lane.

Ang outer lane o ang lane na katabi ng sidewalk ang gagamiting bike lane para sa dry run ng bagong traffic plan. Ipinahayag ni MMDA traffic chief Bong Nebrija na segment by segment ang gagawin nilang paglalagay ng bike lane sa kahabaan ng EDSA.

Pinasalamatan ni Nebrija para sa nasabing inisyatiba ang EDSA Evolution, isang grupo na advocate ng “active mobility” na nagsusulong ng permanenteng paglalagay ng mga protected bike lanes sa mga kalsada sa Metro Manila.

“For now, we would like to appreciate the people behind the EDSA Evolution for coming up with this one. Marami na tayong kababayan, nagba-bike from home going to this part of EDSA,” sabi ni Nebrija na humihikayat sa lahat ng bikers na magsuot ng protective gears para sa kanilang kaligtasan.

Screenshot mula sa GMA video

Nauna nang ipinahayag ng Department of Transportation na  isusulong nito ang paggamit ng mga motorsiklo at bisikleta bilang mode of transportation kapag inalis na ang mga community quarantines na umiiral bansa.

“The use of bicycles and similar devices are highly encouraged, and LGUs are also encouraged to identify bike-lanes, or bike-only roads,” pahayag ng ahensya dalawang linggo na ang nakararaan.

Ang panukala ng DOTr ay kaugnay ng reduced capacity ng public transportation kapag pinayagan na ang mga ito na mag-operate.

“Mahalaga po ang magiging papel ng mga motorcycles at mga bisikleta dahil na rin po sa limitadong kapasidad ng pang-publikong sasakyan,” sabi ni DOTr Assistant Secretary Steve Pastor  sa isang panayam.

Ipinaalala ni Pastor na nananatiling ipinagbabawal ang angkas sa motorsiklo at bisikleta.

Imahe mula sa Cycling Matters

Loading…