Mocha Uson nagpaliwanag sa NBI na “honest mistake” ang maling larawan sa FB post

  • Mocha Uson nagtungo sa NBI upang magpaliwanag sa diumano’y “fake news” niyang Facebook post
  • Tinawag ni Uson na “honest mistake” ang kanyang nagawa
  • Sabi ni Uson, ang intensyon niya ay ipaalam sa publiko na hindi pinababayaan ng gobyerno ang frontliners, ngunit maling larawan ang nagamit niya

Bilang pagsunod sa subpoena, nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator Mocha Uson noong Lunes, ika-18 ng Mayo, upang magpaliwanag sa diumano’y “fake news” niyang post sa social media.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Ang pagpapatawag ng NBI kay Uson ay kaugnay ng ipinost niya sa Facebook noong ika-2 ng Abril tungkol sa 15,000 sets ng mga personal protective equipment (PPE) na binili ng Department of Health. Ngunit lumabas na ang mga PPE sa larawang ginamit niya ay donasyon mula sa SM Foundation.

Inamin niya sa NBI na nagkamali  lang siya ng ginamit na larawan.

Ani Uson, ang intensyon niya sa kanyang post ay upang iparating sa mga mamamayan na hindi pinababayaan ng pamahalaan ang mga frontliners.

“Kaya nga du’n sa post ko, nai-share ko ‘yung good news na mayroong ginagawang aksiyon ang gobyerno na mag-provide ng PPEs sa ating mga frontliners. Eh, nagamit ko ‘yung photo na ‘yun mula sa Philippine Star na respetadong mainstream media, broadsheet. ‘Yun pala mali din sila ng nagamit na larawan,” paliwanag ni Uson.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“So ‘yung impormasyon na gusto kong i-share sa publiko may ginagawa ang gobyerno para pangalagaan ‘yung frontliners natin. Nagkamali lang, honest mistake ‘yung sa photo. Nag-issue ako agad ng erratum, sinabi ko na nagkamali ako ng gamit ng photograph, kinuha ko lang din naman sa Philippine Star, sabi pa niya.

Kinumpirma ni NBI Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo na nagtungo sa kanilang tanggapan si Uson kasama ang mga abogado niya upang magpaliwanag, subalit hindi raw nagsumite ang OWWA official ng affidavit.

Inaasahan ng NBI na magsusumite si Uson ng kanyang affidavit sa susunod na linggo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Loading…