Mommy, Daddy, cum laude ako: Surpresa ng graduating student, umantig sa netizens

Imahe mula sa Facebook | Ron Abaday
  • Inspirasyon ang dulot ng isang graduating student nang surpresahin niya ang kaniyang mga magulang sa balitang cum laude siya
  • Aniya, nagsikap siya upang masuklian ang sakripisyo ng kaniyang mga magulang upang mapagtapos silang limang magkakapatid
  • Masayang masaya naman ang kaniyang ina dahil nakapagtapos na ang kaniyang bunso

Nagbigay ng inspirasyon sa netizens ang isang graduating student na sinurpresa ang kaniyang mga magulang sa balitang cum laude siya.

Imahe mula sa Facebook | Ron Abaday

Nakuhanan ni Ron Jacob Abaday ang precious na reaksyon ng kaniyang mga magulang nang ipakita niya ang kaniyang graduation picture na may note na “Mommy and Daddy, cum laude po ako.”

Kitang kita sa reaksyon ng kaniyang inang si Helen Abaday ang kagalakan sa balitang ito. “Noong makita ko talaga iyong grad pic, sobrang tuwa kasi hindi lang naman siya yung nag-graduate, pati ako nag-graduate sa gastusin,” sabi niya sa isang panayam sa DZMM

Ibinahagi rin ni Ron na nagsilbing inspirasyon ang kaniyang mga magulang upang palagi siyang magsikap sa pag-aaral ng Accountancy sa University of Santo Tomas.

Bunso siya sa limang magkakapatid at nakita niya raw kung paano nagsumikap ang mga magulang upang mapagtapos silang lahat.

“Sila naman po talaga ang inspiration ko since Day 1. Kaya po sinisipagan ko sa pag-aaral ay para maibalik ko man lang sa kanila kahit sa ganitong paraan yung mga paghihirap nila sa akin,” kuwento niya sa radio interview.

Imahe mula sa Facebook | Ron Abaday

Aniya, maraming naging pagsubok sa kanilang pamilya simula nang magkasakit ang kaniyang lolo at lola. Nabaon daw sila sa utang at may ilang mga pag-aari pa na naibenta.

Sa kabila nito ay nagpatuloy sa pagsusumikap ang kaniyang mga magulang kaya naman kahit gaano kahirap ang buhay sa kolehiyo ay nagtiyaga siyang makapagtapos.

Para naman kay Mommy Helen, malaking tulong para sa kanila ang panalangin. “Kami talaga, yung pamilya namin ay sa Diyos lang umaasa…Sobrang daming prayers, yun ang naging puhunan sa kaniya.”

Nakatakdang mag-martsa sa Disyembre si Ron. Congratulations sa iyo at sa iyong mga magulang, Ron!

Panoorin dito ang kaniyang video:

Source :

Facebook, DZMM

Loading…