Mula sa P6 na presyo noong 2019, halaga ng palay ngayong taon, umakyat na sa P20 kada kilo

  • Ibinalita ng DA na patuloy na ang pagtaas ng presyo ng palay mula sa mga lokal na magsasaka
  • Mula sa pinakamababang P6 noong 2019, nasa bente pesos na ang kada kilo noong Abril 2020
  • Indikasyon daw ito ng pagbangon ng industriya at muling paglaki ng kita ng mga magsasaka

Ngayong taon ay humaharap sa krisis ng pandemic ang bansa. Ngunit noong nakaraang taon, matatandaang kakulangan sa suplay ng pagkain ang isa sa pinakamalaking isyung kinaharap ng Pilipinas. Bilang tugon, ipinasa ng pamahalaan ang Rice Tarrfication Law o ang pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa na nag-aalis ng ilang umiiral na kondisyon.

Naibsan man nito ang kagutumang nararamdaman ng mga Pilipino, tila naging pasakit naman ito sa mga magsasaka. Dahil sa pagdagsa ng mga imported na bigas, agad na bumagsak ang presyo ng palay sa bansa at labis na nakaapekto sa lokal na produksiyon.

Larawan mula sa PNA

Mayroong pagkakataong umabot pa sa P6 na lang ang kada kilo ng palay na nagdala ng malaking pagkalugi sa mga magsasaka. Nagbigay naman ang gobyerno ng tulong pinansiya sa mga naapektuhang magsasaka ngunit nais pa rin nilang maibalik ang dating sigla ng produksiyon ng bigas sa bansa.

At sa pagpasok ng 2020, inulat ng Department of Agriculture (DA) na unti-unti nang nakababangon ang industriya ng palay sa bansa. Nasa P19.91 per kilo na raw kasi ang presyo ng kada kilo ng palay noong Abril.

Ayon pa kay DA Secretary William Dar, indikasyon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng palay sa bansa ang pagbangon ng mga magsasaka mula sa epekto ng Rice Tarrfication Law. Nakita rin ang pagtaas ng presyo ng palay kompara noong nakaraang taon.

Larawan mula sa PNA

Noong Abril 2019 daw kasi, nasa 18.48 lang ang presyo ng palay, mas mataas ng mahigit piso kompara ngayong taon. Dagdag pa ni Dar, mas palalakasin pa raw nila ang produksiyon ng palay ngayong taon lalo na’t maraming produkto mula sa ibang bansa ang maaaring mantala dahil sa banta ng pandemic.

Nagbabala rin ang DA sa mga nagtitinda ng bigas na nananamantala ng presyo ngayong may lockdown na ipinatutupad sa ilang bahagi ng bansa. Pakiusap nila, huwag naman daw magbenta ng overpriced na produktong agrikultural bilang tulong na rin sa kanilang mga kababayan.

Loading…