Nagdadalantaong OFWs sa quarantine facilities hiling na pagtuunan sila ng pansin

Imahe mula sa Unsplash
  • Nakiusap ang mga buntis na OFW na nasa quarantine facilities ngayon na bigyang prayoridad ang paglabas ng kanilang COVID-19 test results
  • Ito ay upang makauwi na sila at maalagaan ng kanilang mga mahal sa buhay
  • Sa pamamalagi nila sa quarantine facilities ay isang beses pa lang umano silang na-check up

Hiniling ng mga nagdadalantaong overseas Filipino workers (OFWs) na namamalagi sa quarantine facilities na ilabas kaagad ang resulta ng kanilang COVID-19 test upang makauwi na sila at maalagaan ng kanilang pamilya.

Imahe mula sa GMA News | Catherine Bartolome

Sa isang panayam sa GMA News ay nakiusap si Catherine Bartolome na payagan nang umuwi dahil negatibo naman siya sa COVID-19.

Kuwento niya, nagpatulong siya sa isang kaibigan na makuha ang resulta ng test mula sa Philippine Red Cross ngunit hanggang ngayon ay wala pa siya sa listahan ng mga maaari nang kumuha ng quarantine clearance.

Samantala, hiling naman ni Marisa Bergonia na pauwiin na sila sa kanilang pamilya dahil mas matutugunan doon ang kanilang mga pangangailangan. Mula nang ma-quarantine ay isang beses pa lamang daw silang na-check up.

“Isang beses po, na-check up po kaming lahat ng midwife. Noong second na po noon na check-up, mayroong pumuntang midwife dito at si Catherine lang po saka yung kasama niya sa kuwarto ang na-check up that day,” kuwento ni Marisa.

Imahe mula sa GMA News | Catherine Bartolome

“Nag-so-sorry siya (midwife) kasi hindi niya kami mache-check up kasi ang pinunta lang po talaga nila ay yung emergency. Mas maaalagaan kami ng family namin kung makauwi na po sana kami.”

Sabi naman ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, may roving nurses at midwives doon upang tingnan ang mga buntis.

May walong buntis nang nanganak habang hinihintay ang kanilang COVID-19 test result ngunit nabibigyan naman daw sila ng atensyon.

“May mga bagong silang… Pinapalagi muna namin at least ng isang buwan unless i-clear sila ng doktor. So nandoon lang sila sa OWWA, yung mga bagong panganak,” ani Cacdac.

Ipinag-utos ni Pang. Duterte na pauwiin na ang mga OFW na nag-negatibo sa COVID at nakatapos na ng mandatory 14-day quarantine sa loob ng linggong ito. Ito ay matapos maglabasan ang ulat na maraming OFW ang inaabot na ng ilang buwan sa quarantine facilities dahil sa tagal ng paglabas ng kanilang COVID-19 test.

Loading…