Nagde-deliver ng mga sapatos pero sira ang sariling sapin sa paa, binigyan ng bagong sapatos ng supplier

  • Trending sa social media ang kuwento ng kabutihan ng isang supplier ng sapatos sa isang delivery man
  • Napansin kasi nilang naka-scotch tape na lang ang sapatos nito sa araw-araw na pagkuha nito ng ide-deliver na sapatos
  • Kaya naman binigyan nila ito ng isang bagong pares ng sapatos na best seller pa ng kanilang tindahan

Ngayong may kinakaharap na krisis ang mundo at ang bansa, masarap makarinig ng kuwento ng kabutihan at inspirasyon mula sa mga Pilipinong patuloy na nagbabayanihan. Mula sa mga simpleng kuwento ng pagtulong ay nakakukuha ng rason ang marami sa atin na ngumiti at makita ang magagandang pangyayari sa panahon ngayon.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit trending sa Facebook ang post ng netizen na si Zhang Wang. Negosyo ni Zhang at ng kanyang pamilya ang magbenta ng sapatos online. At mayroon silang isang masugid na delivery man na kanilang binigyan ng munting surpresa.

Larawan mula sa Facebook post ni Zhang Wang

Araw-araw daw kumukuha ng order ang lalaking iyon sa kanilang shop. Pero napansin nila na kahit mga sapatos ang dine-deliver ng lalaki, ay suot niya lagi ang sira niyang sapatos. Natanong nila kung anong nangyari sa sapatos nito.

Sumagot naman daw ang lalaki na bumigay na ito dahil araw-araw niyang gamit kaya naman nilagyan na lamang niya ng scotch tape. Dahil dito, napagpasiyahan ni Zhang at kanyang asawa na bigyan ng isa sa kanilang best seller na Airmax 270.

Tinanong daw agad nila kung anong size ng paa ng delivery man. Nahihiya pa raw itong sabihin ang size niya pero kita nila ang saya nito nang tanggapin ang bago niyang sapatos. Masaya sina Zhang at asawa niya na nabigyan nila ng bagong magagamit sa trabaho ang masipag na lalaki.

Mensahe ni Zhang sa kanyang post, sana raw ay naging malaking tulong ang bigay nila para sa pagkayod ni Kuya. Napagtanto rin daw nila ang aral sa pagkakatagpo nila ng delivery guy. Si Kuya raw ang patunay na dapat tayong magpasalamat sa kung anong mayroon tayo dahil madalas, ito ang dinadalangin na biyaya ng iba.

Larawan mula sa Facebook post ni Zhang Wang

Agad na nag-viral sa Facebook ang nasabing post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 77,000 reactions ang post na karamihan ay ‘l0ve,’ 4,300 comments, at 22,000 shares. Maraming netizens naman ang naantig sa kanilang kuwento.

Sana raw ay mas maraming biyaya pa ang makuha ng mag-asawang tumulong sa lalaki. Sana rin daw ay na-inspire ang iba pang negosyante sa kabutihang loob ng mag-asawang handang tumulong para sa ikabubuti ng iba.

Loading…