Nangawit ka rin ba sa pagnguya ng footlong bubble gum?

Imahe mula sa Shopee | Dionnebadz
  • Napa-throwback ang netizens sa larawan ng footlong bubble gum na paborito ng maraming mga bata noon
  • Mahaba at matagal mawala ang lasa nito kaya naman sasakit na lamang ang panga mo sa kangunguya
  • Kuwento ng ilan, talagang iniipon nila ang kanilang baon upang makabili nito sa halagang P5

Sumakit din ba ang panga mo sa pagnguya ng makukulay na footlong bubble gum?

Imahe mula sa Facebook | Ang Dekada 2000’s

Napa-throwback ang netizens sa ibinahaging larawan ni Joven Costacio ng bubble gum na ito sa Facebook group na Ang Dekada 2000’s.

“May nakaaalala pa ba sa bubble gum na ‘to? Nangangawit na yung panga mo sa kangunguya pero yung tamis at lasa ng bubble gum, naroon pa rin,” aniya.

Sabi ni R. Gregore, sulit ang P5 niya sa pagbili ng chewing gum na ito.

Dagdag naman ni A.N., umaabot ng isang linggo sa kaniya ang isang box nito.

Ganito rin si Rei A. dahil pahirapan daw humingi ng pambili nito sa kaniyang mga magulang noon kaya kailangan niya itong tipirin.

Ani Tepace Y., sa sobrang tagal mawala ng tamis ng bubble gum na ito ay ikaw na lang ang mananawa sa pagnguya. “Mismo! Ang sakit sakit na ng panga mo tapos nakakalahati mo pa lang,” sagot ni Joven.

Ang ilan naman ay ibinahagi na kinakailangan pa nilang mag-ipon upang magkaroon ng pambili nito. “Wow, na-miss ko ito. Noong Grade 2 ako, lagi akong nagtitira ng pera para makabili niyan sa uwian,” sabi ni L. Dianne.

“Yung mga rich kid sa school noong elementary, panay ang bili ng ganito. Ako ata once lang nakabili. P10 lang baon ko nun, P3 sa mainit (yung cooked food na nilalagay sa masebong mug), tapos P2 para sa juice na matabang. Pang dalawang recess ko na yun,” ani A. Leizur.

Naging paborito mo rin ba ang footlong bubble gum na ito?

Source :

Facebook

Loading…