Nasubukan mo na rin ba ang “blind date” noong high school?

  • Sinariwa sa isang Facebook page ang blind dating na isa sa mga hindi malilimutang ganap noong high school days
  • Hindi raw kumpleto ang high school journey ng isang tao kung hindi ito naranasan
  • Marami naman sa mga netizens ang nagsalaysay ng kanilang karanasan hinggil dito

High school life, on my high school life, Every memory, kay ganda. High school days, oh my high school days are exciting, kay saya…

Sino nga bang hindi makalilimot sa sikat na mga linyang iyan mula sa awiting “High School Life” na inawit ni Megastar Sharon Cuneta?

Sabi nga, isa sa mga pinakamasayang yugto sa buhay ng isang tao ay ang high school days niya. Marami kasing mga karanasan na hindi maibibigay ng elementarya at kolehiyo ang dito lamang mararanasan.

Public Domain Image

Bukod sa Junior and Seniors’ Promenade, Intramurals, Field Demonstration, Christmas Party, Boys and Girls Week, Pagdiriwang ng Buwan ng Wika at United Nations at marami pang iba, isa sa hindi malilimutan sa high school days ang mga “kilig moments”.

Iyan ang sinariwa sa Facebook page na  “Rant”, lalo na ang tinatawag na “Blind Date Booth”.

Makikita sa ibinahaging larawan ang mga binatilyo at dalagitang naka–blindfold habang magkakahawak pa ng kamay. Ito ang tinatawag na blind date. Nangyayari ito tuwing may okasyon o pagdiriwang sa paaralan tulad ng Foundation Day at iba pa. Sa halagang limang piso o higit pa, maaari mo nang maka–date ang crush mo.

Umani naman ito ng good vibes sa mga netizens, lalo na ang mga nakaranas na nito.

“Yes I agree! Hindi kompleto ang high school journey mo kung hindi mo naranasan ang blind date. Naalala ko pa noon, talagang pinagkaisahan ako ng mga kabarkada ko para lang maka–blind date yung crush ko. Tapos naalala ko pa, ang lamig ng mga kamay namin noong nagkahawakan na kami,” pagbabahagi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naku, yung naka–blind date ko dati, siya ang mortal enemy ko. Pinagtripan kami ng classmates namin. Tapos, ayun, nagkabati kami tapos niligawan niya ako. Naging kami hahaha, pero nagkahiwalay rin when we were in college na. Those were the days!”

Imahe mula sa Facebook page na Rant/Public Domain Image

Bukod sa blind date booth, uso rin noon ang “marriage booth”, “message/dedication booth”, at “jail booth”. Ang marriage booth ay kunwaring pagpapakasal ng dalawang magkasintahan o sa iyong crush. Sa message o dedication booth naman, maaari kang magpahatid o magbigay ng mensahe sa iyong crush o hinahangaang guro nang hindi nila malalaman kung sino ka.

Sa jail booth naman, huhulihin ang mga mag–aaral na nakasuot ng kulay na mabubunot ng mga “guwardiya sibil”.  Lahat ng ito ay fund–raising at katuwaan lamang.

Kay sarap balikan ng high school days, hindi ba?

Source :

Facebook

Loading…