National Task Force against COVID-19 naalarma sa pagdagsa ng tao sa Metro Manila sa unang araw ng MECQ

  • NTF Against COVID-19 naalarma sa pagdagsa ng mga tao sa Metro Manila sa unang araw ng MECQ
  • Pinaalalahanan ng NTF spokesman ang publiko na huminahon at huwag ma-excite
  • Marahil ay hindi raw ganap na naiintindihan ng publiko kung gaano kaseryoso ang COVID-19

Sa unang araw ng pagpapatupad ng mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ) sa bansa ay nasaksihan ng marami ang pagkasabik ng mga tao na makalabas ng kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa Reportr World FB page

Noong Sabado, ika-16 ng Mayo, dumagsa ang mga tao sa mga shopping malls na pinayagan nang magbukas at muling naranasan ang pagsisikip ng trapiko dahil sa dami ng mga pribadong sasakyan sa mga kalsada.

Dahil dito ay naalarma ang mga opisyal ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 at nagbigay ng isang paalala.

Sa isang panayam sa radyo, pinaalalahanan ni  NTF Against COVID-19 spokesman Retired General Restituto Padilla ang mga tao na panatilihin ang pag-iingat laban sa posibilidad na mahawahan ng coronavirus disease.

Aniya, marahil ay hindi ganap ang pagkakaintindi ng publiko sa COVID-19.

“Nababahala po ang NTF sa nangyari kahapon. Naging excited po ang ating mga kababayan. Ito po ay siguro ay kakulangan sa ganap na pagkaintindi sa sakit na nangyayari ngayon,” wika ni Padilla.

“Kami po ay humihiling sa sambayanan na huminahon po tayo. Huwag tayong ma-excite,” dagdag pa niya.

Screenshot mula sa PCOO video

Samantala, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority Spokesperson Celine Pialago na ang mabigat na daloy ng trapiko na naranasan sa EDSA noong Sabado ay hindi dahil sa rami ng mga sasakyan kundi dahil sa mga checkpoint kung saan isa-isang tinitingnan ng mga awtoridad kung may travel pass ang mga bumibiyahe.

Loading…