Negosyante nagdiwang ng kaarawan kasama ang mga jeepney driver

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News
  • Ipinagdiwang ng isang negosyante ang kaniyang ika-25 kaarawan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng biyaya sa mga nangangailangan
  • Pinuntahan ni Rolando Mendoza II ang mga driver na nakatira ngayon sa kanilang mga jeep
  • Naging mas makabuluhan ang kaniyang kaarawan dahil sa halip na gumastos para sa sarili ay nakapag-abot siya ng tulong sa mga kapos sa buhay

Upang maging makabuluhan ang pagdiriwang ng kaniyang ika-25 kaarawan sa kabila ng kinahaharap na pandemya ay naisip ng isang negosyante na mamahagi sa mga nangangailangan.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News

Napili ni Rolando Mendoza II na tulungan ang mga driver na tumutuloy muna sa loob ng kanilang jeep na nakaparada sa Quezon City dahil nahinto sila sa pagbiyahe at hindi na kayang magbayad pa ng upa.

Sa isang panayam sa ABS-CBN News ay sinabi niyang sa panahon ngayon ay mas mahalagang makatulong sa kapwa. “Mas gugustuhin ko pong mag-birthday na magbigay sa mga tao na nasa kalsada kaysa ipanggastos sa sarili,” aniya.

Nasa 60 pirasong relief packs na naglalaman ng bigas at pansit ang kaniyang ipinamigay kaya laking pasalamat ng mga nakatanggap nito. “Masaya na nabigyan ng ayuda saka makakakain na kami,” sabi ng isang nakapanayam ng ABS-CBN.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News

Bumuhos naman ang mga mensahe ng pagbati at pasasalamat para kay Rolando. “Great way to celebrate. May God bless you more,” sabi ni B. Moga.

“Happy birthday po, sir. Patuloy po kayong pagpalain at ingatan po ang inyong pamilya lalo na sa mga panahon ngayon,” ani T. Vergara

“Nakaaantig ng puso0 kapag ganyan ang ipinapakitang pag malasakit sa kapwa lalo na sa mga kapos sa buhay. Dumami pa sana ang mga taong katulad ninyo. Maraming salamat po sa kabutihan ninyo,” komento naman ni Nellie A.

Mensahe naman ni Rolando, huwag sanang mawalan ng pag-asa ang kaniyang mga kababayan dahil alam niyang matatapos din ang laban sa COVID-19.

Happy birthday, Rolando!

Loading…