Netizen ibinahagi ang kaniyang mga napagtanto sa musical play na “Ang Huling El Bimbo”

  • Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang mga napagtanto o realisasyon matapos mapanood ang musical play na “Ang Huling El Bimbo” 
  • Unang itinanghal ito sa Resorts World Manila noong 2018 at muling itinanghal noong 2019
  • Ito ang kauna–unahang pagtatangkang mapanood ito sa online streaming sa pamamagitan ng ABS–CBN Entertainment

Kamakailan lamang ay pinag–usapan ng mga netizens ang pagpapalabas ng musical play na “Ang Huling El Bimbo” sa online platforms ng ABS–CBN Entertainment sa Facebook at YouTube channel, para sa kanilang kampanyang “Pantawid ng Pag–ibig” para sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.

Ayon sa mahabang Facebook post ni Mark Jason De Guzman nagbigay siya ng kaniyang review at sampung mga natutuhan o realisasyon matapos mapanood ang musical play, na nagtampok sa mga sikat na awitin ng bandang Eraserheads, sa pamumuno ng vocalist na si Ely Buendia.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Jason De Guzman

Unang realisasyon, “Paano mo pangangalagaan ang imahe ng pagiging birhen mo, kung kaya ka namang laspagin nang paulit-ulit ng sarili mong bayan?”

Pangalawang realisasyon, “May mga pangarap na matulin at ang hirap habulin, mga pangarap na isinantabi nang panandalian para balikan, at higit sa lahat, may mga pangarap na sobrang taas na may kakayahang ipamukha sa atin kung gaano tayo kababa bilang indibidwal.”

Pangatlong realisasyon, “Kung makapagsasalita lamang ang bawat haligi ng TINDAHANG TOYANG, detalyado nitong ikukuwento sa’yo kung bakit hindi akma ang pangalang ‘JOY’ kay Joy.”

Pang–apat na realisasyon, “May mga pagkakamali talaga tayo sa nakaraan, na wala namang mga mata at paa, pero may kakayahang maglakad at tuntunin ang daan, para dalawin tayo sa pamamagitan ng bangungot kahit hindi tayo tulog.”

Panlimang realisasyon, “Bukod kay Hector, Emman, at Anthony meron pang isang nawalan ng bayag — ang HUSTISYA.”

Pang–anim na realisasyon, “Hindi ko akalaing ang kantang LIGAYA ay maaaring patugtugin at kantahin sa PINAKAMALUNGKOT na paraan.”

Pampitong realisasyon, “Habambuhay na tatatak sa isip ko ang bigay ni Anthony na bandana/pamigkis (scarf) kay Joy, at ang haba ng panahong iningatan at inilagaan niya ito. Hindi man siya nakatapos, hindi man siya sintaas ng mga kaibigan niya, hindi man siya nagtagumpay na maabot ang mga pangarap niya, sa kanya ko ibinibigay ang pinakamataas na respeto. Suot niya ito hanggang sa kahuli-hulihan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Jason De Guzman

Pangwalong realisasyon, “Sinong hindi luluha sa tagpo kung saan isa-isang niyakap ni Joy ang mga kaibigan niya nang magsipagtapos ito sa kolehiyo? Nakakadurog ng pusong makatanggap ng mainit na yakap mula sa taong hindi mo man lang nagawang ipaglaban noong mga panahong wasak na wasak ito.”

Pansiyam na realisasyon, “Hindi ko alam pero may espesyal sa kantang ‘Huwag Kang Matakot’.  Na para bang may kakayahan itong magpagaling, na para bang kaya nitong ibigay ang kaligtasan kahit nasa kalagitnaan ka ng giyera, at kaya nitong iparamdam sa’yo na mahalaga ka, na kamahal-mahal ka, kahit pa sa mga pagkakataong hindi mo magawang mahalin ang sarili mo.

Pansampu at panghuling realisasyon, “May sayang hatid ang ‘Tindahan ni Aling Nena’, ituturo sa’yo ng ‘Alapaap’ kung gaano kasarap mangarap. Masalimuot, madilim, makirot at nakakalungkot ang kuwentong hatid ng ‘Spolarium’, ‘Hard to Believe’, ‘With a Smile’, ‘Sino Sa Atin, at ng ‘Ligaya.’ At higit sa lahat, binago ng pagtatanghal ang interpretasyon natin sa kantang ‘Ang Huling El Bimbo.’

Dagdag pa niya, “Isa lamang si Joy sa libo-libo, sino kaya ang mga sumunod? At sino ang mga susunod pa?

Public Domain Image

Kung napanood mo ang pagtatanghal, ano–ano naman ang mga napagtanto o realisasyon mo hinggil dito?

Loading…