Netizen ibinahagi ang saloobin sa napakaraming pagsubok na pinagdaanan nila ng kanyang inang namaalam na

  • Isang nakalulungkot na karanasan ang ibinahagi ng isang netizen
  • Isinalaysay niya ang malungkot na pinagdaanan nila maisalba lamang ang buhay ng ina, na noon ay tinamaan ng stroke dahil sa labis na init ng panahon
  • Masakit ang kalooban ng netizen dahil hindi man lamang sila nakapagpaalam nang maayos sa ina

Isa na yata sa mga pinakamasakit na karanasan ang malayo sa iyong minamahal habang siya ay nararatay sa banig ng karamdaman. Sa panahon ngayon ng COVID–19, hindi basta–basta madadamayan o maaalagaan ang kaanak o mahal sa buhay na nadapuan at naapektuhan nito, dahil ipinagbabawal ang paglapit sa kanila.

Iyan ang naranasan ng netizen na nagngangalang “Daniel” matapos niyang ibahagi sa kaniyang mahabang Facebook post ang pinagdaanang “mahahabang gabi” sa pakikipagbuno ng pinakamamahal na ina laban sa “stroke” nang nag–iisa. Idinetalye niya ang mga pangyayari simula sa unang araw ng pagsisimula ng lockdown dahil sa Enhanced Community Quarantine hanggang sa tuluyang sumakabilang–buhay ang kaniyang ina.

Imahe mula sa Facebook account ni Daniel

Nang maideklara umano ang ECQ, hindi raw nakauwi ang netizen sa kanilang bahay sa Cavite. Mag–isa lamang daw ang kaniyang nanay na alalang–alala sa kaniya. Nagkakausap lamang sila sa pamamagitan ng tawag o call. Akala niya, makauuwi na siya noong Abril 15, subalit muling pinahaba ang ECQ.

Panay daw ang tawag sa kaniya ng ina. Nag–aalala para sa kaniya. Nag–aalala rin ang netizen para sa kalagayan ng ina, na noon ay nagiisa lamang. Labis pa naman ang init ng panahon. Pinagisipan daw niya kung paano makauuwi at makalulusot sa checkpoint ng mga borders.

Hatinggabi ng Mayo 6 nang makatanggap ng tawag ang netizen mula sa kanilang kapitbahay na isinugod daw nila sa ospital ang kaniyang ina. Nasilip kasi ito ng kapitbahay na nakahandusay na lamang sa kanilang sahig. Ayon sa ospital, stroke daw ito. Hanggang sa mailipat sa isang clinic ang kaniyang ina. Dahil sa kakulangan ng kagamitan, iminungkahi ng doktor na ilipat sa isang mas maayos na ospital sa Maynila ang pasyente. Ayaw pa umanong ipagamit ang ambulansiya dahil baka “maabutan” daw sa daan ang kaniyang ina.

Public Domain Image

Hindi na malaman ng netizen ang gagawin dahil walang masakyan at hindi basta–basta makatatawid sa mga borders. Matapos ang mahabang diskusyunan, napapayag na rin sila. Naidala umano nila ang kaniyang ina sa isang ospital sa Quezon City, sa tulong ng kaniyang kapatid at pinsan. Isinugod siya sa emergency room dahil protocol daw sa COVID–19 ward. Binigyan sila ng halos 72% chance na maka–survive ang kaniyang ina.

Hindi na yata mabilang ng netizen kung ilang beses siyang nakiusap sa mga bantay ng checkpoints upang mapayagan lamang siyang makatawid upang maasikaso at madalaw ang kaniyang ina. Nabibigo siya dahil bawal daw. Hanggang sa may maawa sa kaniyang mga pulis at sundalo na pumayag na maihatid siya sa naturang ospital sa Quezon City kung saan naroon ang ina.

Dahil sa protocol, hindi siya pinayagang masilip ang kaniyang ina. Pinalipas daw nila ang magdamag sa bakuran ng ospital. Hanggang doon lamang daw ang mga dalaw upang hindi mahawahan ng COVID–19. Kaniya–kaniya silang kuha ng karton.

Noong Mayo 10, pinayagan daw siyang masilip ang kaniyang ina basta’t nakasuot siya ng PPE. Inilarawan niya ang sitwasyon sa loob ng ospital. Halo–halo umano ang mga PUI. May matandang may diabetes, mayroong tumutulo na ang dugo sa sahig, may nagmamanual pump ng oxygen, walang tumitingin na healthcare workers kung basa na ang mga likod nila ng pawis. Dahil mainit sa loob, agad din siyang pinalabas.

“Hapon, binalitaan na lang kami na nilagyan na ng tubo si Mama. Nakaligtaan na raw kami sabihan dahil emergency na. Okay lang basta masagip si Mama. Hanggang sabihin ni Doc na overestimation na ang 2 days survival kay Mama,” ayon sa netizen.

Noong Mayo 11, nag-aabang sila ng balita sa kalagayan ng kanilang ina. Ang sabi raw ng doktor, “Ha, hindi ba kayo nasabihan? Alas otso pa wala na ang Mama ninyo?”

Hindi na raw nabigyan ng pagkakataon ang magkakapatid na makaiyak at magluksa sa nangyari. Sumunod kasi nilang inasikaso ang pagbawi sa bangkay ng kanilang ina, dahil muntik na itong mapasama sa mass cremation dahil sa pag–aakalang sa COVID–19 din ito nasawi.

“Wala ako sa tabi niya sa pinakamatinding laban niya. Hindi man lang namin siya nabigyan nang maayos na pamamaalam. Mula body bag, diretso sa kabaong, hanggang libing. Hindi ko maiwasang isiping biktima rin kami ng sistema.

Kaya naman ang panawagan ng netizen. sana raw ay huwag nang mangyari ito sa iba.

Kaya sa panahong ito na hindi naman kinakailangang lumabas ng mga tahanan, tiyaking kasa–kasama ninyo ang mga mahal sa buhay, upang agad na may daramay sa kanila, anuman ang mangyari. Nasa huli ang pagsisisi.

Source :

Facebook

Loading…