Netizen ibinida ang pulis na tumulong sa kanila para makabili ng gamot mula sa ibang barangay

  • Labis ang pagpapasalamat ng isang netizen sa pulis na naka-duty sa kanilang barangay dahil sa taos-puso nitong pagtulong nang sila ay mangailangan
  • Kuwento ni Goido Cruz Mejia, agad na nag-alok ng tulong ang frontliner nang malaman na hindi sila nakabili ng gamot para sa pamangkin na may sinat
  • Ito umano ang naghanap sa ibang barangay ng kanilang kailangan at hindi na rin nagpabayad sa biniling gamot para sa pamangkin ni Goido

Sa social media ipinaabot ng isang netizen ang kaniyang labis na pasasalamat para sa frontliner na taos-pusong tumulong sa kanila sa oras ng kanilang pangangailangan.

Imahe mula kay Goido Cruz Mejia | Facebook

Kuwento ni Goido Cruz Mejia sa kaniyang Facebook post noong May 5, nakiusap sila ng kaniyang kasama sa mga frontliner na naka-duty sa kanilang barangay bandang 6:30 ng gabi na kung maaari ay payagan silang lumabas upang bumili ng gamot sa ibang lugar para sa nilalagnat na bagong-silang na pamangkin.

“Pinayagan po kami pero po nag-iwan po kami ng ID,” sabi niya sa post.

Pagpapatuloy pa niya, “Hindi po kami nakabili dahil po sarado na po lahat ng botika doon. Noong pabalik na po kami at kukunin na po namin ‘yung ID na iniwan namin doon sa checkpoint, nasabi po ni tita ko na hindi po kami nakabili dahil po sarado na ang mga botika.”

Ayon kay Goido, sa mga sandaling iyon ay lumapit at nag-alok ng tulong ang pulis na kinilala niyang Sir Michael.

“Tinanong po niya ang tita ko kung anong gamot po ba ang kailangan namin. Noong nasabi na po ni tita ko kung anong gamot po ang kailangan namin, sinabi po ni Sir Michael na bumalik daw po kami ng 10:00 PM [dahil] siya na lang raw po ang bibili ng gamot sa bayan ng Tarlac,” ani Goido.

Bumalik umano sila sa checkpoint sa oras na kanilang napagkasunduan. Doon na iniabot sa kanilang ng pulis ang gamot at hindi na rin ito nagpabayad.

Ipinahayag naman muli ni Goido ang kaniyang pagpapasalamat sa tulong na ibinigay sa kanila ng naturang frontliner.

I-click ang imahe para makita ang buong post

“Sir Michael maraming salamat po sa pag tulong n’yo. Sana po marami pa po kayong matulungan,” saad niya.

“Saludo po kami sa inyo, sir. Pagpalain pa po sana kayo ni God. God bless you always po,” dagdag pa ng netizen sa post.

Source :

Facebook

Loading…