Netizen inakalang larawan ng aerial top view ng dagat at barko ang isang cake

  • Inakalang aerial top view ng kubyerta ng barko sa ibabaw ng dagat ang isang cake
  • Ito pala ay isang masarap na blueberry cheesecake
  • Nagbigay naman ng kaniya–kaniyang hugot dito ang mga netizens

Naranasan mo na bang ma–”Wow Mali” dahil sa tinatawag na ‘biglang–tingin’?

Iyan umano ang naranasan ng isang netizen na ibinahagi sa Facebook page na “Online Rambulan” matapos mapagkamalang aerial top view ng deck o kubyerta ng barko ang isang kumakalat na larawan sa social media. Kung susuriing maigi, hindi pala ito barko kundi isang blueberry cheesecake. Korteng dulo kasi ng barko ang isang hiwa rito.

Imahe mula sa Facebook page na Online Rambulan / Public Domain Image

Ayon sa caption, “…akala ko dagat tapos barko. Cake pala ang hinayupak!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens na tila namalikmata rin. Ang iba, napa-“hugot” pa rito.

“Oo nga no… kung titingnan mo mula sa malayo, aakalain mo ngang top view ng barko na nasa dagat. Iyon pala, blueberry cheesecake na isa sa mga paborito kong flavor ng cake!” bulalas ng isa.

Hugot naman ng isa, “Haha, nakakadaya naman iyan. Ang galing! Kaya iyan ang sinasabing first impression last. Dapat mag–second look ka para makilatis mong mabuti, hindi puwedeng pagbatayan ang unang sulyap lang.”

“Lesson learned. Maraming bagay sa mundong ito ang mapanlinlang batay sa kanilang hitsura kaya makabubuting kilatisin at suriin munang mabuti bago husgahan hahaha, hugot pa more,” turan naman ng isa.

Ang cheesecake ay isang matamis na dessert na naglalaman ng maraming layers. Ang pangunahin at pinakamakapal na layer ay pinaghalong malambot at sariwang keso, na karaniwan ay cream cheese o ricotta, samahan pa ng mga itlog at asukal. Matatagpuan naman sa ilalim na layer ang crust na maaaring likha sa dinurog na cookies, digestives, o biskuwit, graham crackers, pastry, o sponge cake.

Public Domain Image

Maaari itong lagyan ng toppings gaya ng prutas, whipped cream, iba’t ibang uri ng mani, cookies, fruit sauce gaya ng blueberry, o chocolate syrup.

Loading…